Salmo 94

Salmo 94

1Panginoon , kayo ang Diyos na naghihiganti.

Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.

2Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,

kumilos na po kayo Panginoon ,

gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.

3Hanggang kailan magdiriwang ang masasama,

Panginoon ?

4Silang lahat na gumagawa ng masama

ay ubod ng yabang.

5Inaapi nila ang inyong mga mamamayan, Panginoon

sinasaktan nila ang inyong mga hinirang.

6Pinapatay nila ang mga biyuda

at mga dayuhan,

pati na ang mga ulila.

7Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;

hindi ito mapapansin ng Diyos ni Jacob.”

8Kayong mga hangal at mahihina ang utak,

kailan ba kayo makakaunawa?

Unawain ninyo ito:

9Ang Diyos na gumawa ng ating mga tainga at mata,

hindi ba nakakarinig o nakakakita?

10Akala nʼyo baʼy hindi ni magpaparusa ang Diyos

na siyang dumidisiplina sa mga bansa?

Akala nʼyo baʼy kulang siya sa kaalaman?

11Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao

ay walang kabuluhan.

12O Panginoon , pinagpala ang taong

pinangangaralan nʼyo

sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya

ng inyong mga kautusan.

13Tinuturuan nʼyo siya

upang magkaroon siya ng kapayapaan

sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras

na ang masasamá ay inyong parusahan.

14Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon ,

ang mamamayang pag-aari ninyo.

15Darating ang araw na ang paghatol

ay muling magiging makatarungan

at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay

nang matuwid.

16Walang tumutulong sa akin

laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan

kundi kayo lang, Panginoon .

17Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon ,

maaaring patay na ako ngayon.

18Nang sabihin kong parang

mamamatay na ako,

ang inyong pag-ibig at awa, Panginoon ,

ang tumulong sa akin.

19Kapag gulong-gulo ang isip ko,

inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.

20Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom[#94:20 : O pinuno.]

na gumagawa ng kasamaan

sa pamamagitan ng kautusan.

21Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid

at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.

22Ngunit kayo, Panginoon na aking Diyos

ay aking tagapagtanggol

at batong kanlungan.

23Parurusahan nʼyo sila

dahil sa kanilang mga kasalanan.

Tiyak na lilipulin nʼyo sila,

O Panginoon naming Diyos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.