The chat will start when you send the first message.
1Ang Panginoon ay naghahari!
Kaya magalak ang mundo,
pati na ang mga isla.
2Napapalibutan siya ng makakapal na ulap
at naghahari nang may katuwiran at katarungan.
3May apoy sa unahan niya
at sinusunog nito ang mga kaaway niyang
nakapalibot sa kanya.
4Ang mga kidlat
niyaʼy nagliliwanag sa mundo.
Nanginginig sa takot ang mga tao
kapag nakikita ito.
5Natutunaw na parang kandila
ang mga kabundukan
sa presensya ng Panginoon ,
ang Panginoon na naghahari
sa buong mundo.
6Ipinapahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
at nakikita ng lahat ng tao
ang kanyang kaluwalhatian.
7Mapapahiya ang lahat ng sumasamba
sa mga diyos-diyosan
at ang mga ipinagmamalaki ang mga ito.
Kayong lahat na mga diyos-diyosan
lumuhod at sambahin ninyo ang Diyos.
8Panginoon , narinig ng mga taga-Zion[#97:8 : O Jerusalem.]
at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong
wastong pamamaraan ng pamamahala,
kaya tuwang-tuwa sila.
9Dahil kayo, Panginoon , ang Kataas-taasang Diyos
ay naghahari sa buong mundo.
Higit kayong dakila kaysa
sa lahat ng mga diyos.
10Kayong mga umiibig sa Panginoon
ay dapat mamuhi sa kasamaan.
Dahil iniingatan ng Panginoon
ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan
at inililigtas niya sila sa masasama.
11Ang kabutihan ng Diyos
ay sumisinag sa matutuwid
at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.
12Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon .
Pasalamatan siya at purihin
ang kanyang pangalan!