Pahayag 10

Ang Anghel at ang Maliit na Kasulatan

1Pagkatapos nito, isa na namang makapangyarihang anghel ang nakita kong bumababa mula sa langit. Nababalot siya ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulo. Ang mukha niya ay nagliliwanag tulad ng araw at ang mga paa niya ay parang haliging nag-aapoy.

2May hawak siyang maliit na kasulatang nakabukas. Itinuntong niya sa dagat ang kanang paa niya at sa lupa naman ang kaliwa.

3Sumigaw siya nang malakas na parang umaatungal na leon, at tinugon naman siya ng dagundong ng pitong kulog.

4Isusulat ko na sana ang sinabi ng pitong kulog, ngunit may nagsalita sa akin mula sa langit, “Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog. Huwag mong isulat.”

5At nakita kong itinaas ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa, ang kanyang kamay sa langit.

6At sumumpa siya sa Diyos na nabubuhay magpakailanman, ang lumikha ng langit, lupa, at dagat at lahat ng naroroon, at sinabi, “Hindi na magtatagal ang panahon.

7Kapag handa nang patunugin ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, matutupad na ang lihim na plano ng Diyos ayon sa sinabi ng mga propeta na kanyang lingkod.”

8Muling nagsalita sa akin ang tinig na mula sa langit. Sinabi niya, “Pumunta ka sa anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa, at kunin mo sa kamay niya ang nakabukas na kasulatan.”

9Kaya lumapit ako sa anghel at hiningi ko ang kasulatang iyon. Sinabi niya sa akin, “Narito, kunin mo at kainin. Matamis ito na parang pulot sa bibig mo, ngunit magiging mapait sa tiyan mo.”[#10:9 Eze. 3:3.]

10Kinuha ko ang kasulatan sa kamay ng anghel at kinain. Kasintamis nga ito ng pulot sa aking bibig, ngunit nang malunok ko na ay naging mapait sa aking tiyan.

11Pagkatapos, may nagsabi sa akin, “Kailangan mong ipahayag muli ang mensahe ng Diyos tungkol sa ibaʼt ibang tao, bansa, wika at hari.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.