1Pagkatapos nito, may nakita akong anghel na bumababa mula sa langit. May hawak siyang susi ng kailaliman, at may malaki siyang kadena.
2Hinuli niya ang dragon, ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas, at saka iginapos ng kadena sa loob ng isang libong taon.
3Inihulog siya ng anghel sa kailaliman, saka isinara at kinandado, at tinatakan pa ang pintuan nito upang walang mangahas na magbukas. Ikinulong siya upang hindi makapandaya ng mga tao sa ibaʼt ibang bansa sa loob ng isang libong taon. Ngunit pagkatapos ng isang libong taon, pakakawalan siya sa loob ng maikling panahon.
4Pagkatapos, may nakita akong mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang kaluluwa ng mga taong pinugutan ng ulo dahil sa pangangaral nila tungkol kay Hesus at dahil sa pagpapahayag nila ng salita ng Diyos. Ang mga ito ay hindi sumamba sa halimaw o sa imahen nito, at hindi tumanggap ng tatak nito sa noo o kanang kamay nila. Binuhay sila at binigyan ng karapatang maghari na kasama ni Kristo sa loob ng isang libong taon.
5Ito ang unang pagkabuhay ng mga patay. (Ang ibang mga patay ay saka lang bubuhayin pagkatapos ng isang libong taon.)
6Mapalad at banal ang mga kabilang sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan. Magiging mga pari sila ng Diyos at ni Kristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.
7Pagkatapos ng isang libong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan.
8Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, na tatawaging Gog at Magog. Titipunin sila ni Satanas at isasama sa pakikipagdigma. At ang matitipon niyang mga sundalo ay kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
9Kakalat sila sa buong mundo, at paliligiran nila ang kampo ng mga banal at ang pinakamamahal na lungsod. Ngunit pauulanan sila ng Diyos ng apoy mula sa langit at mamamatay silang lahat.
10At si Satanas na dumaya sa kanila ay itatapon sa lawang apoy at asupre, na siya ring pinagtapunan ng halimaw at ng huwad at sinungaling na propeta. Magkakasama silang parurusahan at pahihirapan araw-gabi, magpakailanman.
11Pagkatapos, nakita ko ang malaki at puting trono at ang nakaupo roon. Ang langit at ang lupa ay biglang naglaho at hindi na nakita.
12At nakita ko ang mga namatay, tanyag at hindi, na nakatayo sa harap ng trono. Binuksan ang mga aklat, pati na ang aklat buhay. At ang bawat isa sa kanila ay hinatulan ayon sa ginawa nila na nakatala sa mga aklat na iyon.
13Kahit sa dagat sila namatay o sa lupa, naglabasan sila mula sa mundo ng mga patay at hinatulan ang lahat ayon sa mga ginawa nila.
14-15At ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat na talaan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan ay itinapon sa lawang apoy. Pagkatapos, itinapon din doon ang kamatayan at ang mundo ng mga patay. Ang parusang ito sa lawang apoy ay ang ikalawang kamatayan.