1Pagkatapos nito, nakita ko “ang bagong langit at ang bagong lupa.” Naglaho na ang dating langit at ang dating lupa at wala na ring dagat.[#21:1 Isa. 65:17.]
2At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Diyos. Ang lungsod na iyon ay tulad ng isang babaeng ikakasal. Handang-handa na, at gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya.
3Narinig ko ang isang malakas na sigaw mula sa trono, “Ngayon, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan na siyang kasama nila. Silaʼy magiging mga mamamayan niya. At siyaʼy makakapiling na nila at magiging Diyos nila.[#21:3 Sa ibang mga manuskrito, Ang Diyos mismo ay makakasama nila, ang kanilang Diyos.]
4‘Papahirin niya ang mga luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan,’ kalungkutan, iyakan o sakit. Sapagkat lumipas na ang dating kalagayan.”[#21:4 Isa. 25:8.]
5At sinabi ng nakaupo sa trono, “Gagawin kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo ang sinasabi ko dahil totoo ito at mapagkakatiwalaan.”
6At sinabi pa niya, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang katapusan. Ang sinumang nauuhaw ay paiinumin ko nang walang bayad mula sa bukal ng tubig na nagbibigay-buhay.
7Ang mga magtatagumpay ay gagawin kong mga anak ko, at akoʼy magiging Diyos nila.
8Ngunit ang mga duwag, mga ayaw sumampalataya sa akin, mga marurumi ang gawain, mga mamamatay-tao, mga imoral, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga diyos-diyosan, at lahat ng sinungaling ay itatapon sa naglalagablab na lawang apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”
9Lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na nagbuhos ng laman ng kanilang mga sisidlan, na siyang pitong panghuling salot. Sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaeng ikakasal sa Kordero.”
10Napuspos agad ako ng Espiritu, at dinala ako ng anghel sa tuktok ng napakataas na bundok. At ipinakita niya sa akin ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Diyos.
11Nakakasilaw itong tingnan dahil sa kaluwalhatian ng Diyos, at kumikislap na parang mamahaling batong haspe na kasinlinaw ng kristal.
12Ang lungsod ay napapalibutan ng mataas at matibay na pader, na may labindalawang pintuan, at bawat pintuan ay may tagapagbantay na anghel. Nakasulat sa mga pintuan ang pangalan ng labindalawang lahi ng Israel.
13Tatlo ang pinto sa bawat panig ng pader: tatlo sa silangan, tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, at tatlo sa kanluran.
14Ang pader ay may labindalawang pundasyong bato at nakasulat doon ang labindalawang pangalan ng mga apostol ng Kordero.
15Ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay may dalang panukat na ginto upang sukatin ang lungsod, pati na ang mga pinto at mga pader nito.
16Kuwadrado ang hugis ng lungsod, pareho lang ang haba at lawak nito. Sinukat niya ang lungsod gamit ang panukat at 12,000 estadia ang sukat. Magkakapareho ang haba, lawak at taas nito.[#21:16 Humigit-kumulang 2,200 kilometro.]
17Sinukat din niya ang pader, 144 siko ang taas nito. (Ang panukat na ginamit ng anghel ay katulad din ng panukat na ginagamit ng tao.)[#21:17 Humigit-kumulang 200 talampakan o 65 metro.]
18Ang pader ay yari sa batong haspe. Ang lungsod naman ay yari sa purong ginto na kasinlinaw ng kristal.
19Ang pundasyon ng pader ay napapalamutian ng sari-saring mamahaling bato: una, haspe; ikalawa, safiro; ikatlo, kalsedonia; ikaapat, esmeralda;
20ikalima, sardonix; ikaanim, kornalina; ikapito, krisolito; ikawalo, beril; ikasiyam, topaz; ikasampu, krisopraso; ika-labing-isa, hasinto; at ika-labindalawa, ametista.
21Perlas ang labindalawang pinto, dahil ang bawat pinto ay yari sa isang malaking perlas. Ang mga pangunahing lansangan ay gintong dalisay at kasinlinaw ng kristal.
22Wala akong nakitang templo sa lungsod na iyon, dahil ang pinaka-templo ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat at ang Kordero.
23Hindi na kailangan ang araw o ang buwan sa lungsod dahil ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag, at ang Kordero ang ilaw doon.
24Ang ilaw ng lungsod na iyon ay magbibigay-liwanag sa mga bansa. At dadalhin doon ng mga hari sa mundo ang mga kayamanan nila.
25Palaging bukás ang mga pinto ng lungsod sapagkat wala nang gabi roon.
26Ang magaganda at mamahaling bagay ng mga bansa ay dadalhin din sa lungsod na iyon.
27Ngunit hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos, ang mga gumagawa ng mga bagay na nakakahiya, at ang mga sinungaling. Ang mga makakapasok lang doon ay ang mga taong nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ng Kordero.