The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos nito, nakita kong nabuksan ang pinto sa langit. At narinig kong muli ang tinig na parang trumpeta. Sinabi niya, “Umakyat ka rito at ipapakita ko sa iyo ang mga mangyayari sa hinaharap.”
2At bigla akong napuspos ng Espiritu. Nakita ko doon sa langit ang isang trono na may nakaupo
3na kumikinang tulad ng mga mamahaling batong haspe at kornalina. At may bahagharing kumikinang katulad ng esmeralda na nakapalibot sa trono.
4Sa palibot ng trono ay may dalawampuʼt apat pang trono kung saan nakaupo ang dalawampuʼt apat na pinuno na nakaputi at may mga koronang ginto.
5Mula sa tronoʼy may mga kislap ng kidlat at ugong ng kulog. Sa harap naman nito ay may pitong lamparang nagniningas na sumasagisag sa pitong Espiritu ng Diyos.[#4:5 : Tingnan ang talababa sa 1:4‑5.]
6Sa harap ng tronoʼy mayroon ding parang dagat na salamin na kasinlinaw ng kristal.
Nakapaligid sa trono ang apat na buháy na nilalang na punong-puno ng mga mata sa harap at sa likod.
7Ang unang nilalang ay parang leon, ang pangalawa ay parang guya, ang pangatlo ay may mukhang gaya ng tao, at ang pang-apat ay parang agilang lumilipad.
8Ang bawat isa sa apat na buháy na nilalang ay may tig-aanim na pakpak at punong-puno ng mga mata sa palibot maging sa ilalim nila. Araw-gabiʼy walang tigil silang nagsasabi ng:
9Sa tuwing nagbibigay ang apat na buháy na nilalang ng parangal, papuri at pasasalamat sa nakaupo sa trono at nabubuhay magpakailanman,
10pumapatirapa naman ang dalawampuʼt apat na pinuno sa harapan ng nakaupo sa trono at sinasamba nila siya na nabubuhay magpakailanman. Iniaalay nila ang kanilang mga korona sa harap ng trono, at sinasabi,
11“Karapat-dapat po kayo Panginoon naming Diyos
na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan,
sapagkat kayo ang lumikha ng lahat ng bagay.
At ginawa ninyo ang mga ito
ayon sa inyong kagustuhan.”