Pahayag 8

Ang Ikapitong Selyo

1Nang mabuksan ng Kordero ang ikapitong selyo, nagkaroon ng katahimikan sa langit sa loob ng halos kalahating oras.

2Pagkatapos, nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Ang bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng trumpeta.

3May isa pang anghel na lumapit sa altar, dala ang isang gintong lalagyan ng insenso. Binigyan siya ng maraming insenso upang maisama niya sa mga dalangin ng lahat ng mga hinirang ng Diyos at maihandog sa gintong altar sa harap ng trono.

4Mula sa kamay ng anghel ay umakyat sa harap ng Diyos ang usok ng insenso kasama ang mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos.

5Pagkatapos, kumuha ang anghel ng mga baga sa altar at pinuno ang lalagyan ng insenso, at inihagis sa lupa. At bigla namang kumidlat, kumulog, umugong at lumindol.

Ang mga Trumpeta

6Pagkatapos, naghanda ang pitong anghel upang patunugin ang kanilang trumpeta.

7Pinatunog ng unang anghel ang kanyang trumpeta, umulan ng yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga kahoy at ang lahat ng damo.

8Pinatunog ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta, at bumagsak sa dagat ang parang malaking bundok na nagliliyab. At naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat.

9Namatay ang ikatlong bahagi ng mga nabubuhay sa dagat, at nawasak ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga sasakyang pandagat.

10Pinatunog ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta, at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo at tumama sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal.

11Ang pangalan ng bituin ay “Mapait.” Kaya pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay nang makainom ng tubig na iyon.

12Pinatunog ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta, at napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya nagdilim ang ikatlong bahagi nila. Nawalan ng liwanag ang ikatlong bahagi ng araw at gayundin ang ikatlong bahagi ng gabi.

13Pagkatapos, nakita ko ang isang agilang lumilipad sa himpapawid at sumisigaw nang malakas, “Nakakaawa! Kahabag-habag ang mga nakatira sa lupa kapag pinatunog na ng tatlo pang anghel ang mga trumpeta nila.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.