Mga Taga-Roma 11

Ang Natirang Maliit na Pangkat ng Israel

1Ito ang tanong ko ngayon: Itinakwil na ba ng Diyos ang mga taong pinili niya? Aba, hindi! Ako mismo ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lahi ni Benjamin.

2Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang mga mamamayan na sa simula paʼy pinili na niya. Hindi ba ninyo natatandaan ang sinasabi ng Kasulatan nang ireklamo ni Propeta Elias sa Diyos ang mga Israelita?

3Sinabi niya, “Panginoon, pinatay po nila ang inyong mga propeta at winasak ang inyong mga altar. Ako na lang po ang naiwang buháy at gusto pa nila akong patayin.”[#11:3 1 Hari 19:10, 14.]

4Ngunit ano ang isinagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitung libong lalaki na hindi sumasamba kay Baal.”[#11:4 1 Hari 19:18.]

5Ganoon din ngayon, mayroon pang mga natitirang hinirang ng Diyos dahil sa kanyang biyaya.

6Ngayon, kung ang pagkapili sa kanila ay dahil sa kanyang biyaya, hindi na ito batay sa kanilang mabubuting gawa. Sapagkat kung batay sa mabubuting gawa, hindi na ito biyaya.

7Ngayon, masasabi nating hindi nakamtan ng mga Israelita ang kanilang hinahangad. Ang mga hinirang ng Diyos mula sa kanila ang siyang nagkamit nito, ngunit ang iba sa kanilaʼy pinatigas niya ang puso.

8Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan:

“Binigyan sila ng Diyos ng manhid na isip,

mga matang hindi makakakita

at mga taingang hindi makarinig

hanggang sa araw na ito.”

9Sinabi rin ni David:

“Maging bitag sana ang kanilang

masaganang hapag-kainan,

parang patibong na magdadala sa kanila

ng kapahamakan, kasiraan, at kaparusahan.

10Lumabo nawa ang kanilang mga mata

nang hindi sila makakita,

at magpakailanmaʼy magkandakuba sa bigat ng mga pasanin nila.”

Mga Sangang Idinugtong

11Tatanungin ko muli: Natisod ba ang mga Hudyo upang hindi na makabangon pa? Hindi! Sa halip, dahil sa pagkakasala nila, nabigyan ng pagkakataon ang mga Hentil na maligtas. At dahil dito, maiinggit ang mga Hudyo.

12Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Hudyo ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa buong mundo, at ang kanilang kawalan ay nagdulot ng malaking pagpapala sa mga Hentil, paano pa kaya kapag nagbalik-loob sa Diyos ang buong Israel?

13Ngayon, ito naman ang sasabihin ko sa inyong mga Hentil: Ginawa akong apostol ng Diyos para sa inyo, at ikinararangal ko ang tungkuling ito.

14Baka sakaling sa pamamagitan nito ay magawa kong inggitin ang mga kapwa ko Hudyo upang sumampalataya ang ilan sa kanila at maligtas.

15Kung ang pagtakwil ng Diyos sa mga Hudyo ang naging daan upang makalapit sa kanya ang ibang mga tao sa mundo, hindi baʼt lalo pang malaking kabutihan ang maidudulot kung ang mga Hudyo ay muling tanggapin ng Diyos? Sila ay para na ring muling binuhay.

16Maihahambing natin ang mga Hudyo sa isang tinapay. Kung inihandog sa Diyos ang bahagi ng tinapay, ganoon na rin ang buong tinapay. At kung inihandog sa Diyos ang ugat ng isang puno, ganoon na rin ang mga sanga nito.

17Ang mga Hudyo ay tulad ng isang punong olibo na pinutol ang ilang mga sanga. At kayong mga Hentil ay tulad sa mga sanga ng ligaw na olibo na ikinabit bilang kapalit sa pinutol na mga sanga. Kaya nakabahagi kayo sa mga pagpapala ng Diyos para sa mga Hudyo.

18Ngunit huwag ninyong isipin na nakahihigit kayo sa mga sangang pinutol. Alalahanin ninyong mga sanga lang kayo; hindi kayo ang bumubuhay sa ugat kundi ang ugat ang bumubuhay sa inyo.

19Maaaring sabihin ninyo, “Pinutol sila upang maidugtong kami.”

20Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya kay Kristo, at kayo naman ay idinugtong dahil sumampalataya kayo. Kaya huwag kayong magmataas, sa halip ay matakot kayo.

21Sapagkat kung nagawang putulin ng Diyos ang mga likas na sanga, magagawa rin niya kayong putulin.

22Ditoʼy makikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Mabagsik siya sa mga nagkakasala, ngunit mabuti siya sa inyo kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Subalit kung hindi, kayo man ay puputulin din.

23At kung hindi na magmamatigas ang mga Hudyo, at sa halip ay sasampalataya na sila, idurugtong din silang muli sa puno, dahil kaya itong gawin ng Diyos.

24Sapagkat kung kayong mga sanga ng olibong-ligaw ay naidugtong niya sa olibong inalagaan kahit na hindi ito kadalasang ginagawa, mas madaling idugtong muli ng Diyos ang mga sangang pinutol mula sa dating puno.

Ililigtas ang Buong Israel

25Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang isang katotohanan na ngayon ko lang ihahayag sa inyo, upang hindi kayo maging mapagmataas. May ilang Israelitang nagmamatigas, ngunit itoʼy magtatagal lamang hanggang makumpleto ang kabuuang bilang ng mga Hentil na sasampalataya kay Kristo.

26Pagkatapos niyan, maliligtas ang buong Israel, gaya ng sinasabi sa Kasulatan:[#11:26 : O lahat ng mananampalatayang Israelita.]

“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas;

aalisin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.

27Gagawin ko ang kasunduang ito sa kanila

sa araw na aalisin ko ang kanilang kasalanan.”

28Dahil tinanggihan ng mga Hudyo ang Magandang Balita, naging kaaway sila ng Diyos upang kayong mga Hentil ay mabigyan ng pagkakataong maligtas. Ngunit kung ang pagpili ng Diyos ang pag-uusapan, mahal pa rin sila ng Diyos dahil sa kanilang mga ninuno.

29Sapagkat ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip sa kanyang pagpili at pagpapala.

30Noong una, kayong mga Hentil ay suwail sa Diyos, ngunit kinahabagan niya kayo dahil sa pagsuway ng mga Hudyo.

31Ganoon din naman, kahahabagan niya ang mga Hudyo sa kabila ng pagkasuwail nila, tulad ng ginawa niya sa inyo.

32Sapagkat hinayaan ng Diyos na ang lahat ng tao ay maging alipin ng kasalanan nang sa gayoʼy maipakita niya sa kanila ang kanyang awa.

Papuri sa Diyos

33Napakadakila ng kabutihan ng Diyos!

Napakalalim ng kanyang karunungan

at kaalaman!

Hindi natin kayang unawain

ang kanyang mga pasya at pamamaraan!

34Gaya nga ng sinasabi ng Kasulatan:

“Sino ba ang nakakaunawa sa kaisipan ng Panginoon?

Sino ang makakapagpayo sa kanya?”

35“Sino ang nakapagbigay ng anuman sa kanya

upang tanawin niyang utang na loob?”

36Sapagkat ang lahat ng bagay ay sa kanya nagmula,

at nabubuhay dahil sa kanyang kapangyarihan

at para sa kanyang kaluwalhatian.

Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.