Mga Taga-Roma 5

Kapayapaan at Pag-asa

1Samakatuwid, ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin kay Kristo, mayroon na tayong kapayapaang dulot ng magandang relasyon natin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

2Dahil sa pananampalataya natin sa kanya, tinatamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asang makakabahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos.

3At hindi lamang iyon, nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis.

4Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao. At kung mabuti ang ating pagkatao, nagbubunga ito ng pag-asa.[#5:4 : O nagbibigay-lugod sa Diyos.; #5:4 : O kung nalulugod ang Diyos sa atin.]

5At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ibinuhos sa atin ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.

6Noong tayoʼy walang kakayahang sundin ang kalooban ng Diyos, namatay si Kristo para sa atin na mga makasalanan sa panahong itinakda ng Diyos.

7Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao.

8Ngunit ipinakita ng Diyos sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Kristo para sa atin.

9At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa ng Diyos dahil kay Kristo.[#5:9 : Sa literal, poot.]

10Dati, kaaway tayo ng Diyos, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Diyos, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Kristo.

11At hindi lang iyan, nagagalak din tayo sa Diyos ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Sa pamamagitan niyaʼy naibalik ang magandang relasyon natin sa Diyos.

Si Adan at si Kristo

12Noong nagkasala si Adan, pumasok ang kasalanan sa mundo. Ang kasalanan niya ay nagdulot ng kamatayan. Kaya mula noon, ang lahat ng tao ay namamatay dahil ang lahat ay nagkasala.

13Nasa mundo na ang kasalanan bago pa man ibigay ng Diyos ang Kautusan. Ngunit hindi pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan kung wala namang Kautusan.

14Ganoon pa man, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga taong hindi naman nagkasala nang tulad ni Adan na lumabag sa utos ng Diyos; si Adan na larawan ng Kristo na nooʼy inaasahang darating.

15Ngunit magkaiba ang idinulot ng kasalanan ni Adan sa kaloob ng Diyos. Sapagkat dahil sa kasalanan ng isang tao, marami ang namatay. Ngunit nakahihigit pa rin ang kagandahang-loob ng Diyos at ang kaloob niya sa maraming tao sa pamamagitan din ng isang tao na walang iba kundi si Hesu-Kristo.

16Ibang-iba ang idinulot ng kaloob ng Diyos sa idinulot ng kasalanan ni Adan. Ang kasalanan ni Adan ay nagdulot ng kaparusahan, ngunit ang kaloob ng Diyos sa kabila ng maraming kasalanan ay nagdulot ng kapatawaran.

17Dahil sa kasalanan ng isang tao, naghari ang kamatayan sa buong mundo. Ngunit dahil sa ginawa ng isa pang tao na si Hesu-Kristo, ang mga tumanggap sa masaganang biyaya ng Diyos at itinuring niyang matuwid ay mamumuhay nang matagumpay.

18Kayaʼt dahil sa kasalanan ng isang tao, nahatulan ng kaparusahan ang lahat. Ganoon din naman, dahil sa matuwid na ginawa ng isang tao, ang lahat ay maituturing na matuwid at mabibigyan ng bagong buhay.

19Kung dahil sa pagsuway ng isang tao ay marami ang naging makasalanan, ganoon din naman, dahil sa pagsunod ng isang tao ay marami ang ituturing na matuwid.

20Ang Diyos mismo ang nagbigay ng Kautusan. Ngunit habang sinisikap ng taong sundin ang Kautusang ito, lalo lang nila itong nilalabag. At habang nadadagdagan ang kanilang kasalanan ay lalo namang nadadagdagan ang kagandahang-loob ng Diyos sa kanila.

21Kaya kung paanong naghari ang kasalanan at nagdulot ng kamatayan, ganoon din naman, naghahari ang biyaya ng Diyos at nagdudulot ng buhay na walang hanggan. At dahil sa ginawa ng ating Panginoong Hesu-Kristo, itinuring tayong matuwid ng Diyos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.