The chat will start when you send the first message.
1Ang pinakamagandang awit ni Solomon.[#1:1 : O para kay Solomon o tungkol kay Solomon.]
2Paliguan mo ako ng iyong mga halik.
Sapagkat mas matamis pa
kaysa alak ang iyong pag-ibig.
3Kay sarap amuyin ng iyong pabango,
at ang ganda ng pangalan mo,
kaya hindi kataka-takang
ang mga dalagaʼy napapaibig sa iyo.
4Sige na, O aking hari,
dalhin mo ako sa iyong silid.
Sa piling mo,
kami ay maligaya.
Mas gusto pa namin ang pag-ibig mo
kaysa anumang inumin.
Tama lang na umibig sila sa iyo!
5O mga babaeng taga-Jerusalem,
maitim nga ako gaya ng mga tolda sa Kedar,
ngunit maganda naman tulad ng kurtina
sa palasyo ni Solomon.
6Huwag ninyo akong hamakin[#1:6 : O tingnan.]
dahil sa kulay ng aking balat.
Maitim nga sapagkat nabibilad
sa init ng araw.
Nagalit sa akin ang mga kapatid kong lalaki,
at doon sa ubasan akoʼy pinagtrabaho nila.
Dahil ditoʼy napabayaan ko
ang sarili ko.
7Mahal, sabihin mo sa akin
kung saan ka nagpapastol
ng iyong kawan ng mga tupa.
Saan mo sila pinagpapahinga
tuwing tanghali?
Sabihin mo sa akin upang hindi na kita hanapin
sa mga kaibigan mong nagpapastol din.
Dahil baka akoʼy mapagkamalan
na isang babaeng bayaran.
8Kung hindi mo alam,
O babaeng ubod ng ganda,
sundan ang bakas ng aking mga tupa.
Papunta ito sa tolda ng mga pastol,
at mga batang kambing mo
ay doon mo na rin ipastol.
9O irog ko, tulad moʼy isang babaeng kabayo
ng karwahe ng hari ng Ehipto.
10Napakaganda ng iyong mga pisngi,
na lalong pinaganda ng mga alahas.
O anong ganda rin ng iyong leeg
na sinuotan ng kuwintas.
11Ikaʼy igagawa namin ng alahas
na yari sa mga ginto at pilak.
12Habang ang hariʼy nasa kanyang mesa,
pabango koʼy humahalimuyak.
13Parang samyo ng mira
ang bango ng aking iniibig,
habang sa aking dibdib
siya ay nakahilig.
14Ang mahal koʼy tulad ng kumpol
ng mga bulaklak na henna,
na namumulaklak doon
sa ubasan ng En-gedi.
15Napakaganda mo, aking giliw.
Mga mata moʼy kasimpungay
ng mga mata ng kalapati.
16Kay kisig mo, mahal ko.
Napakaganda mong pagmasdan!
Ang damuhang luntian ang ating higaan.
17Ang mga haligi ng ating tahanan
ay mga sedro,
at mga sipres naman ang mga biga nito.