Awit 8

1Kung naging kapatid lamang sana kita,

na pinasuso ng aking ina,

hahalikan kita

saanman tayo magkita,

at hindi nila ako pag-iisipan ng masama.

2Dadalhin kita sa bahay ng aking ina,

kung saan akoʼy tinuruan niya.

Paiinumin kita ng mabangong alak

na mula sa katas

ng aking mga pomegranata.

3Nasa ilalim ng ulo ko

ang kaliwang bisig mo,

at ang kanang bisig mo namaʼy

niyayakap ako.

4Kayong mga babae ng Jerusalem,

mangako kayo

na hindi ninyo hahayaan

na ang pag-ibig ay umusbong

hanggaʼt hindi pa dumarating

ang tamang panahon.

5Sino kaya itong dumarating mula sa ilang

na nakahilig sa kanyang minamahal?

Ginising ko ang iyong damdamin,

doon sa ilalim ng puno ng mansanas,

kung saan ka isinilang.

6Iukit mo ang pangalan ko

sa puso mo

upang patunayan na ako

lamang ang mahal mo.

At ako lamang ang yayakapin

ng mga bisig mo.

Makapangyarihan ang pag-ibig

gaya ng kamatayan;

maging ang pagnanasa

ay hindi mapipigilan.

Ang pag-ibig ay parang lumiliyab

at lumalagablab na apoy.

7Kahit laksa-laksang tubig,

hindi ito mapipigilan.

Sinumang magtangkang bilhin ito

kahit ng lahat niyang yaman

ay baka malagay lamang sa kahihiyan.

8May kapatid kaming dalagita,

at ang kanyang dibdib

ay hindi pa nababakas.

Ano ang aming gagawin

sa araw na siyaʼy ipagkasundo

upang ikasal?

9Siya ba ay tulad ng isang pader?

Magtatayo kami ng mga tore ng pilak

sa ibabaw niya.

Siya ba ay tulad ng isang pinto?

Babarikadahan namin siya ng tablang sedro.

10Ako ngaʼy isang pader,

at ang dibdib koʼy parang mga tore.

Kaya sa paningin ng aking mahal

pinapanatag ko siya.

11May ubasan si Solomon sa Baal-hamon

na kanyang pinauupahan

sa mga magsasaka roon.

Bawat isa sa kanilaʼy nagbibigay sa kanya

ng isang libong piraso ng pilak

bilang parte niya sa ubasan.

12Ikaw ang bahala Solomon,

kung ang parte mo

ay isang libong piraso ng pilak

at ang parte ng mga magsasaka

ay dalawandaang piraso ng pilak.

Ngunit ako na ang bahala

sa sarili kong ubasan.

13O irog kong namamasyal sa hardin,

mabuti pa ang mga kaibigan mo,

naririnig nila ang iyong tinig.

Iparinig mo rin ito sa akin.

14Halika, aking mahal.

Tumakbo ka nang mabilis

gaya ng usa sa kabundukan

na punong-puno ng mga halamang ginagawang pabango.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.