The chat will start when you send the first message.
1Paalalahanan mo ang mga mananampalataya na magpasakop at sumunod sa mga maykapangyarihan. Kailangang palagi silang handa sa paggawa ng mabuti.
2Huwag silang manira ng kapwa, at huwag maging palaaway; sa halip, maging mahinahon sila at laging magalang sa lahat.
3Sapagkat noong una, tayo rin ay mga mangmang at suwail. Nilinlang at inalipin tayo ng lahat ng uri ng pagnanasa at luho. Puno ng kasamaan at inggit ang ating buhay. Kinasuklaman tayo ng iba, at kinasuklaman din natin sila.
4Ngunit nang mahayag na ang kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas,
5iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa kanyang awa. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paghuhugas ng Banal na Espiritu upang tayoʼy ipanganak muli at magkaroon ng bagong buhay.
6Masaganang ibinigay sa atin ng Diyos ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Hesu-Kristo na ating Tagapagligtas,
7upang sa kanyang kagandahang-loob ay maituring tayong matuwid at makamtan natin ang buhay na walang hanggan na ating inaasahan.
8Ang mga salitang itoʼy mapagkakatiwalaan. Kaya gusto kong bigyang-diin mo ang mga bagay na ito upang ang mga nagtitiwala sa Diyos ay magsikap sa paggawa ng mabuti. Ang mga itoʼy nakabubuti at kapaki-pakinabang sa lahat.
9Iwasan mo ang mga walang kuwentang pagtatalo-talo, ang pagsasaliksik sa talaan ng mga ninuno, at ang mga away at debate tungkol sa Kautusan, dahil wala itong pakinabang at walang saysay.
10Pagsabihan mo nang dalawang beses ang taong sumisira sa inyong pagkakaisa. Ngunit kung pagkatapos mo siyang pagsabihan nang dalawang beses ay ayaw pa rin niyang makinig, iwasan mo na siya.
11Sapagkat alam mong ang ganoong tao ay baluktot ang pag-iisip at makasalanan; at ang masasamang gawa niya mismo ang humahatol sa kanya.
12Papupuntahin ko diyan si Artemas o si Tiquico. Kapag dumating na ang sinuman sa kanila, sikapin mong mapuntahan ako agad sa Nicopolis, dahil napagpasyahan kong doon magpalipas ng taglamig.
13Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya upang matulungan ang abogadong si Zenas at si Apolos sa kanilang paglalakbay, at tiyakin mong hindi sila kukulangin sa kanilang mga pangangailangan.
14Dapat matutunan ng ating mga kapatid na maging masigasig sa paggawa ng mabuti, upang makatulong sila sa mga may matinding pangangailangan at maging kapaki-pakinabang ang kanilang buhay.
15Kinukumusta ka ng lahat ng mga kasama ko rito.
Ikumusta mo rin kami sa mga kapatid diyan na nagmamahal sa atin.
Sumainyong lahat nawa ang biyaya ng Diyos.