1Nang muli akong tumingin, may nakita akong lalaking may dalang panukat.
2Tinanong ko siya, “Saan ka pupunta?”
Sumagot siya, “Sa Jerusalem, susukatin ko ang luwang at haba nito.”
3Pagkatapos, umalis ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinalubong siya ng isa pang anghel
4at sinabi sa kanya, “Magmadali ka, sabihin mo sa lalaking may dalang panukat na ang Jerusalem ay magiging lungsod na walang pader dahil sa sobrang dami ng kanyang mga mamamayan at mga hayop.
5Sinabi ng Panginoon na siya mismo ang magiging pader na apoy sa paligid ng lungsod ng Jerusalem, at siya rin ang magiging dakila sa bayan na ito.”
6“Sinabi ng Panginoon , Sige na! Magmadali kayong tumakas sa Babiloniang nasa hilaga, sapagkat katulad ng apat na hangin ng langit ay ikinalat ko kayo sa lahat ng sulok ng mundo.
7“Halikayo! Tumakas na kayo, kayong mga taga-Zion na binihag at dinala sa Babilonia.”
8Pagkatapos kong makita ang pangitaing iyon, sinugo ako ng Panginoon na magsalita laban sa mga bansang sumalakay sa inyo at sumamsam ng inyong mga ari-arian. Sapagkat ang sinumang gumagawa ng masama sa inyo ay para na ring gumagawa ng masama sa mahal ng Panginoon . At ito ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo:
9“Parurusahan ko sila; sasalakayin sila ng kanilang mga alipin at sasamsamin ang kanilang mga ari-arian.” At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoon ng mga Hukbo ang nagpadala sa akin.
10Sinabi ng Panginoon , “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga taga-Zion, dahil darating ako at maninirahang kasama ninyo.
11At sa panahong iyon, maraming bansa ang magpapasakop sa akin. At sila rin ay magiging mga mamamayan ko.” Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoon ng mga Hukbo ang nagpadala sa akin dito sa inyo.
12At muling aangkinin ng Panginoon ang Juda bilang kanyang bahagi sa banal na lupain. At ang Jerusalem ay muli niyang ituturing na kanyang piniling lungsod.
13Manahimik kayong lahat ng tao sa harapan ng Panginoon , dahil kumikilos siya mula sa kanyang banal na tahanan.