The chat will start when you send the first message.
1Sa ika-apat na taon ng paghahari ni Dario, nagpahayag ang Panginoon kay Zacarias. Nangyari ito noong ika-apat na araw ng ikasiyam na buwan, ang buwan ng Kislev.
2Nangyari ito matapos ipadala ng mga mamamayan ng Betel si Sharezer at si Regem Melec, kasama ang kanilang mga tauhan, upang idulog sa Panginoon
3sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga pari sa Templo ng Panginoon ng mga Hukbo at sa mga propeta, “Kailangan pa ba naming magluksa at mag-ayuno sa ikalimang buwan upang alalahanin ang pagkagiba ng Templo, gaya ng maraming taon na naming ginagawa?”
4At ito ang mensahe ng Panginoon ng mga Hukbo sa akin:
5“Sabihin mo sa lahat ng mga mamamayan ng Israel pati sa mga pari, na ang kanilang pag-aayuno at pagluluksa sa bawat ikalima at ikapitong buwan sa loob ng pitumpung taon ay hindi nila ginagawa para sa akin.
6At kung silaʼy kumakain at umiinom, ginagawa nila iyan para lamang sa sarili nilang kaligayahan.
7Ito rin ang mensaheng ipinasabi ng Panginoon sa mga propeta noon, nang masagana pa ang Jerusalem at marami pa itong tao pati ang mga bayang nasa paligid nito, at pati na ang Negeb at ang kaburulan sa kanluran.”[#7:7 : Lugar na nasa bandang timog ng Juda.; #7:7 : Sa Hebreo, Shefela.]
8Sinabi muli ng Panginoon kay Zacarias,
9“Ito ang sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo sa mga mamamayan: ‘Humatol kayo nang makatarungan. Ipakita ninyo ang inyong kabutihan at habag sa isaʼt isa.
10Huwag ninyong gigipitin ang mga biyuda, mga ulila, mga dayuhan, at ang mga mahihirap. Huwag kayong magbalak ng masama laban sa isaʼt isa.’
11“Ngunit hindi nila pinansin ang aking sinabi. Tinanggihan nila ito at hindi sila nakinig.
12Pinatigas nilang parang bato ang kanilang mga puso, at hindi sila nakinig sa Kautusan ng Panginoon ng mga Hukbo at sa mga salitang ipinasasabi ng kanyang Espiritu sa pamamagitan ng mga propeta noon. Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ay talagang galit na galit.
13“At dahil hindi sila nakinig sa mga sinabi ko, hindi rin ako makikinig kapag tumawag sila sa akin.
14Itinaboy ko silang parang ipuipo sa ibaʼt ibang lugar kung saan sila ay mga dayuhan. Iniwanan nila ang kanilang magandang lupain na hindi na mapapakinabangan at hindi na rin matitirhan.”