The chat will start when you send the first message.
1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Zefanias noong si Josias na anak ni Amon ang hari ng Juda. Si Zefanias ay anak ni Cusi na anak ni Gedalias. Si Gedalias naman ay anak ni Amaria na anak ni Ezequias.
2Sinabi ng Panginoon ,
“Lilipulin ko ang lahat ng bagay
na nasa mundo,
3ang mga tao, hayop, ibon at isda.
Mawawala ang lahat ng nag-uudyok sa tao
para magkasala pati ang mga makasalanan.
“Lilipulin ko nga ang lahat ng tao sa mundo.
Ako, ang Panginoon ,
ang nagsasabi nito.
4Parurusahan ko
ang mga mamamayan ng Juda,
pati na ang lahat ng mamamayan
ng Jerusalem.
Lilipulin ko ang mga natitirang
sumasamba sa diyos-diyosang si Baal
pati na ang mga paring naglilingkod dito,
upang tuluyan na silang makalimutan.
5Lilipulin ko rin ang mga taong umaakyat
sa bubong ng kanilang bahay
para sumamba sa araw,
sa buwan at mga bituin.
Lilipulin ko ang mga sumasamba
at sumusumpang maglilingkod
sa Panginoon ,
pero sumusumpa ring maglilingkod
sa diyos-diyosang si Molec.
6Lilipulin ang mga tumatalikod
at hindi dumudulog sa Panginoon .”
7Tumahimik kayo sa harapan
ng Makapangyarihang Panginoon ,
dahil malapit na ang araw
ng aking paghatol.
Inihanda ko na ang aking mga mamamayan
para patayin tulad ng hayop na ihahandog.
Pinili ko na ang mga kalaban
na tinawag ko na sasalakay sa Juda.
8Sa araw ng paghahandog
para sa Panginoon ,
parurusahan ko ang mga pinuno
at ang mga anak ng hari
pati silang mga nakadamit banyaga.
9Parurusahan ko rin sa araw na iyon
ang lahat ng sumasali sa mga seremonya
ng mga diyos-diyosan
at silang mga nagpupuno sa templo
ng kanilang diyos
ng kalupitan at pandaraya.
10“Sa araw na iyon,”
sabi ng Panginoon ,
“maririnig ang iyakan sa pintuang tinatawag na Isda
ng lungsod ng Jerusalem
at sa bagong bahagi ng lungsod.
Maririnig din ang malakas na ingay
ng mga nagigibang bahay sa mga burol.
11Mag-iyakan kayo,
kayong mga naninirahan
sa mababang bahagi
ng lungsod ng Jerusalem
dahil mamamatay ang lahat
ng inyong mga mangangalakal.
12Sa araw ding iyon,
susuyurin kong mabuti ang Jerusalem
at parurusahan ko ang mga taong
nagpapasarap lang sa buhay
at nagsasabi sa kanilang sarili,
‘Walang gagawin ang Panginoon
sa amin mabuti man o masama.’
13Aagawin sa mga taong ito
ang kanilang mga pag-aari
at wawasakin ang kanilang mga bahay.
Hindi sila ang titira sa mga bahay
na kanilang itinayo.
At hindi sila ang iinom ng inuming
mula sa ubas na kanilang itinanim.”
14Malapit na ang nakakatakot
na araw ng paghatol ng Panginoon .
Itoʼy mabilis na dumarating.
Mapait ang araw na iyon,
dahil kahit na ang matatapang na sundalo
ay sisigaw para humingi ng tulong.
15Sa araw na iyon,
ipapakita ng Diyos ang kanyang galit.
Magiging araw iyon ng pighati
at paghihirap,
araw ng pagkasira
at lubusang pagkawasak.
Magiging maulap at madilim
ang araw na iyon,
16at maririnig ang tunog ng trumpeta
at sigawan ng mga sundalong sumasalakay
sa mga napapaderang lungsod
at sa matataas na tore nito.
17“Sinabi ng Panginoon ,
‘Ipaparanas ko ang paghihirap sa mga tao,
at lalakad sila na parang bulag
dahil nagkasala sila sa akin.
Dadaloy na parang tubig ang kanilang dugo,
at mabubulok na parang dumi
ang kanilang bangkay.
18Hindi sila maililigtas ng kanilang mga pilak at ginto
sa araw na ipapakita ko ang aking poot
na parang apoy na tutupok sa buong mundo.
Sapagkat tuluyan kong wawakasan
ang lahat nang naninirahan sa lupa.’ ”