Zefanias 3

Ang Pagrerebelde ng Jerusalem at ang Pagtubos Nito

1Kahabag-habag ang lungsod

ng mga mang-aapi,

mga rebelde at marurumi.

2Hindi sila nakikinig kahit kanino,

at ayaw nilang magpaturo.

Hindi sila nagtitiwala

sa Panginoon na kanilang Diyos,

ni lumalapit sa kanya.

3Ang kanilang mga opisyal

ay parang mga leon na umaatungal.

Ang kanilang mga pinuno

ay parang mga lobong naghahanap

ng makakain kung gabi,

at walang itinitira

pagsapit ng umaga.

4Ang kanilang mga propeta

ay padalos-dalos sa kanilang

mga ginagawa

at hindi mapagkakatiwalaan.

Nilalapastangan ng kanilang mga pari

ang mga bagay na banal

at sinusuway ang kautusan ng Diyos.

5Subalit naroon pa rin

ang presensya ng Panginoon

sa kanilang lungsod.

At hindi siya gumagawa ng mali.

Araw-araw niyang ipinapakita

ang kanyang katarungan,

at nananatili siyang tapat.

Subalit ang masasamâ

ay hindi nahihiya sa ginagawa nila.

6Sinabi ng Panginoon ,

“Nilipol ko ang mga bansa;

giniba ko ang kanilang mga lungsod

pati ang kanilang mga pader at mga tore.

Wala nang natirang mga mamamayan,

kaya wala nang makikitang

taong naglalakad

sa kanilang mga lansangan.

7Dahil sa mga ginawa kong ito

akala koʼy igagalang na ako

ng aking mga mamamayan

at tatanggapin na nila

ang aking pagsaway sa kanila,

para hindi na magiba ang kanilang lungsod

ayon sa itinakda ko sa kanila.

Ngunit lalo pa silang nagpakasama.

8Kaya hintayin ninyo ako,”

sabi ng Panginoon .

“Darating ang araw na akoʼy tatayo

at aking uusigin ang mga bansa.

Sapagkat napagpasyahan kong

tipunin ang mga bansa at mga kaharian

para ibuhos sa kanila

ang matindi kong poot.

Ang nagliliyab kong galit

ang tutupok sa buong mundo.

9Pagkatapos, ang mga labi nilaʼy lilinisin ko

upang silang lahat ay tatawag

sa pangalan ng Panginoon

at sama-samang maglilingkod sa kanya.

10Ang mga nananalangin kong mamamayan

na nakakalat sa kabilang ibayo

ng mga ilog ng Etiopia

ay magdadala ng mga handog sa akin.

11Sa araw na iyon,

kayong mga taga-Jerusalem

ay hindi na mapapahiya

sa lahat ng mga kasalanang

ginawa ninyo sa akin,

dahil aalisin ko sa inyo

ang mga mapagmataas

at mayayabang.

Kaya wala nang magyayabang

doon sa aking banal na bundok.

12Ngunit mag-iiwan ako

sa gitna ninyo

ng mga taong inaapi at aba.

Ang mga naiwang ito

ay patuloy na magtitiwala

sa Panginoon .

13Ang mga Israelitang ito

ay hindi gagawa ng masama;

hindi sila magsisinungaling o mandadaya.

Kakain at matutulog silang payapa

at walang kinatatakutan.”

14Sinabi ni Zefanias:

“Kayong mga mamamayan ng Israel,

sumigaw kayo sa tuwa!

Kayong mga mamamayan ng Zion,

ang lungsod ng Jerusalem,

umawit kayo at magalak

nang buong puso!

15Sapagkat hindi na kayo

parurusahan ng Panginoon .

Palalayasin niya

ang inyong mga kaaway.

Kasama ninyo ang Panginoon ,

ang Hari ng Israel,

kaya wala nang kasawiang

dapat pang katakutan.

16Sa araw na iyon,

sasabihin ng mga tao

sa mga taga-Jerusalem,

Mga mamamayan ng Zion,

huwag kayong matakot;

magpakatatag kayo.

17Sapagkat kasama ninyo

ang Panginoon

na inyong Diyos.

Siya ay isang mandirigmang

magliligtas sa inyo.

Siyaʼy magagalak sa inyo,

at sa kanyang pag-ibig kayoʼy

kanyang panunumbalikin.

Sa kanyang kagalakan

ay kanyang aawitan.”

18Sinabi ng Panginoon ,

“Titipunin ko kayong

mga naghihinagpis

dahil sa kapistahan.

Ililigtas ko kayo sa kasawian

para hindi na kayo malagay

sa kahihiyan.

19Sa araw na iyon,

parurusahan ko

ang lahat ng umaapi sa inyo.

Kayoʼy parang mga tupang napilay

at pinaghiwa-hiwalay,

ngunit ililigtas ko kayo

at titipuning muli.

Inilagay kayo sa kahihiyan noon,

ngunit kayoʼy pararangalan ko

at gagawing tanyag

sa buong mundo.

20Oo, titipunin ko kayo

sa araw na iyon

at pauuwiin ko kayo

sa inyong bansa.

Pararangalan ko kayo

at gagawing tanyag sa buong mundo

sa araw na panumbalikin ko

ang inyong mabuting kalagayan

at masasaksihan ninyo

itong mangyari sa inyong harapan,”

sabi ng Panginoon .

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.