The chat will start when you send the first message.
1[1] Nang araw ding iyon, ang lahat ng mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi na ni Ester na magkamag-anak sila.
2[2] Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai. Itinalaga naman ni Ester si Mordecai bilang katiwala niya sa lahat ng mga ari-arian ni Haman.
3[3] Minsan pang lumapit si Ester sa Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman.
4[4] Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi,
5[5] “Kung inyong mamarapatin at kung ako'y kalugud-lugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong pawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman laban sa mga Judio sa inyong kaharian.
6[6] Hindi po maatim ng aking damdamin na makitang nililipol ang aming lahi.”
7[7] Sinabi ng Haring Xerxes kay Reyna Ester, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na sa iyo. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio. Kung iyon ay hindi pa sapat,
8[8] gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”
9[9] Nang ikadalawampu't tatlong araw ng unang buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia. Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan.[#9 Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.]
10[10] Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala ito sa mga tagahatid-sulat.
11[11] Sa pamamagitan ng sulat na iyon, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin ang kanilang mga kalaban.
12[12] Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon.[#8:12 Ang Kabanata 8:13-17 ay ipinagpapatuloy pagkatapos ng Kabanata E:1-24.]