Ecclesiastico 34

Tungkol sa Panaginip

1Mandaraya at walang ibubunga ang pag-asa ng hangal,[#Deut. 13:1-5; 18:9-14.]

labis siyang nagtitiwala sa mga pangarap.

2Parang nanghuhuli ng anino, o humahabol sa hangin,

ang taong nag-aabala sa panaginip.

3Ang nakikita mo sa panaginip ay anino lamang ng katotohanan,

gaya ng mukhang nakikita sa salamin.

4Kung hindi maaaring ang karumiha'y magbunga ng kalinisan,

lalong hindi maaaring ang kasinungalinga'y magbunga ng katotohanan.

5Ang mga hula, pangitain at mga panaginip ay kahangalan.

Sapagkat kung ano ang inaasam-asam ng isang tao ay siya namang inilalarawan ng kanyang guni-guni.

6Hindi dapat pahalagahan ninuman ang panaginip,

liban na lamang kung iyon ay talagang pangitaing mula sa Kataas-taasang Diyos.

7Marami na ang nalinlang ng mga panaginip,

at ang mga umasa dito ay napahamak.

8Hindi kailangan ang mga ito sa pagtupad ng Kautusan,

sapat na ang Karunungang itinuturo ng mga tapat.

Bunga ng Karanasan at Paglalakbay

9Maraming nalalaman ang taong nakapaglakbay,[#9 Sa ibang manuskrito ay .]

at makahulugan ang sinasabi ng isang may malawak na karanasan.

10Ang di pa nakaranas na maglakbay ay walang gaanong nalalaman,

ngunit ang nakapaglakbay sa maraming lupain ay nakababatid ng maraming bagay.

11Marami akong nakita sa aking mga paglalakbay,

at ang mga natutuhan ko roon ay di ko kayang isalaysay.

12Malimit akong nabingit sa kamatayan,

ngunit nakaligtas ako dahil sa aking mga karanasan.

Kanino Dapat Umasa

13Matibay ang pag-asa ng mga may paggalang sa Panginoon,

sapagkat ang pinananaligan nila'y may kapangyarihang magligtas sa kanila.

14Ang may paggalang sa Panginoon ay walang kinatatakutan,

hindi siya magiging duwag sapagkat nananalig siya sa Panginoon.

15Mapapalad ang mga taong may paggalang sa Panginoon

sapagkat alam nila kung kanino hihingi ng tulong.

16Ang paningin ng Panginoon ay nakatuon sa mga umiibig sa kanya,

siya'y matibay na sanggalang at alalay.

Siya ang umaalalay sa kanila nang di sila matisod o kaya'y bumagsak.

17Siya ang nagpapasigla sa kanilang kalooban, nagpapaningning sa kanilang mga mata,

nagbibigay ng ganap na kalusugan,

siya ang batis ng buhay at lahat ng pagpapala.

Mga Handog na Di Marapat

18Isang paglait sa Diyos ang pag-aalay ng handog kung ito ay kinuha sa masamang paraan.

Ang handog ng makasalanan ay di karapat-dapat.

19Hindi kinalulugdan ng kataas-taasan ang alay ng makasalanan,

at ang pagpapatawad niya'y hindi nakukuha sa dami ng handog.

20Ang paghahandog sa Diyos ng ninakaw sa isang mahirap,

ay parang pagpatay sa isang anak sa harap ng kanyang ama.

21Sa isang maralita ang kaunting pagkain ay pantawid-buhay,

ang magkait nito'y maituturing na isang pagpatay.

22Kapag inalisan mo ng hanapbuhay ang isang tao, o kaya'y dinaya mo ang sahod ng isang kasama,

para mo na rin silang kinitlan ng buhay.

23Kung ang ginagawa ng isa ay ginigiba naman ng iba,

ano ang kanilang mapapala kundi pagpapakahirap.

24Kung ang isa ay dumadalangin at ang ikalawa naman ay nagmumura,

sino sa kanila ang diringgin ng Panginoon?

25Maghugas man ang tao pagkatapos na humipo sa patay, kung pagkatapos ay hihipo muli,

ano ang silbi ng kanyang paghuhugas?

26Gayundin naman, mag-ayuno ka man dahil sa kasalanan, ngunit paulit-ulit namang magbabalik sa pagkakasala

anong mapapala mo sa iyong pagpapakagutom?

Paanong pakikinggan ang iyong panalangin?

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society