Ecclesiastico 35

Tungkol sa Paghahandog

1Para nang nag-alay ng maraming handog ang sumusunod sa Kautusan:

sapagkat ang sumusunod sa mga utos ay para nang nag-alay ng mga handog na pangkapayapaan;

2Ang tumatanaw ng utang na loob ay para nang naghandog ng mainam na harina,

at ang nagkakawanggawa ay para nang nag-alay ng handog ng pasasalamat.

3Umiwas ka sa masama at kalulugdan ka ng Panginoon,

mag-ingat kang huwag makaapi at para ka nang nagbayad-puri para sa iyong sala.

4Huwag kang haharap sa Panginoon nang walang dalang anuman,

5sapagkat ang paghahandog na ito ay itinatagubilin ng Kautusan.

6Kapag ang taong matuwid ay nag-alay ng kanyang handog,

ang bango ng taba na sinusunog sa dambana ay pumapailanlang hanggang sa luklukan ng Kataas-taasan.

7Kinalulugdan ng Panginoon ang handog sa kanya ng taong matuwid,

ito'y isang alaala na hindi niya malilimutan.

8Parangalan mo ang Panginoon nang buong katapatan,

at huwag mong panghinayangan ang mga unang bungang inihahandog mo sa kanya.

9Ialay mo ang iyong handog nang may ngiti sa mga labi,[#2 Cor. 9:7.]

at magbigay ka ng ikasampung bahagi nang may galak sa puso.

10Maghandog ka sa Panginoon nang buong puso,

maging bukás-palad ka sa kanya, gaya ng ginawa niya sa iyo.

11Ang Panginoon ay masagana kung gumanti,

gagantihan ka niya nang makapitong beses.

12Huwag mong susuhulan ang Panginoon sapagkat di siya tumatanggap ng suhol,

huwag kang aasa sa handog na galing sa masamang paraan.

Tungkol sa Katarungan ng Diyos

Ang Panginoon ay Diyos ng katarungan,

wala siyang itinatanging sinuman.

13Hindi siya kumikiling kaninuman laban sa mahirap,

sa halip, agad niyang dinirinig ang naaapi.

14Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila,

at ang pagsusumamo ng biyudang nagsasaysay ng nangyari sa kanya.

15Ang luhang dumadaloy sa pisngi ng balo

ay sumisigaw laban sa taong naging dahilan ng kanyang pagluha.

16Kinalulugdan ng Diyos ang naglilingkod sa kanya nang buong puso,

ang panalangin nito'y agad nakakaabot sa langit.

17Ang dalangin ng mapagpakumbabá ay tumatagos sa mga ulap

at hindi tumitigil hanggang di umaabot sa Panginoon;

hindi humihinto hanggang di pinapansin ng Kataas-taasan,

at iginagawad ang katarungan para sa mga taong nasa katuwiran.

18Hindi na magtatagal at kikilos ang Panginoon,

hindi niya ipagpapabukas pa ang pagpaparusa sa masasama.

Babaliin niya ang likod ng malulupit,

paghihigantihan niya ang mga bansa.

Lilipulin niya ang mga palalo,

dudurugin niya ang kapangyarihan ng mga makasalanan.

19Gagantihan niya ang bawat isa ayon sa nararapat sa kanya,

at hahatulan ang kanilang gawa ayon sa kanilang nasa.

Igagawad niya ang katarungan sa kanyang bayan,

at sila'y magsasaya sa lilim ng kanyang habag.

20Sa panahon ng kagipitan, kinasasabikan ang kanyang habag

parang patak ng ulan sa matinding tag-araw.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society