Ecclesiastico 44

Ang Ating mga Ninuno

1Papurihan naman natin ngayon ang ating mga ninuno,

ang mga lalaking tanyag noong kanilang kapanahunan.

2Sa pamamagitan nila'y ipinakilala ng Panginoon ang kanyang kadakilaan,

at ipinakita ang kanyang kapangyarihan sa mula't mula pa.

3May mga namahala ng mga kaharian,

may mga nabantog dahil sa kanilang kapangyarihan,

ang iba nama'y naging mga dalubhasang tagapayo,

at ang iba'y nagpahayag ng kalooban ng Diyos.

4Mayroong mga naging tagaakay ng buong bansa, mga pinunong umakda ng mabubuting batas,

mga dalubhasang nagturo ng magagandang aral,

at mga matatalinong lumikha ng malalalim na talinhaga.

5Mayroon namang gumawa ng mga awit at humabi ng mga tula.

6Ang iba nama'y naging mayaman at makapangyarihan,

at namuhay ng tahimik sa kani-kanilang tahanan.

7Silang lahat ay iginalang habang sila'y nabubuhay,

at kinilala ng madla noong kanilang kapanahunan.

8Mayroon sa kanilang nag-iwan ng matatag na pangalan,

at patuloy pang pinapupurihan magpahanggang ngayon.

9Mayroon namang hindi na natatandaan ninuman,

at lubusan nang naglaho ang kanilang pangalan.

Para silang hindi isinilang sa daigdig na ito,

at gayundin ang nangyari sa kanilang mga angkan.

10Narito ang talaan ng mga lalaking tunay na may takot sa Diyos,

ang kanilang ginawa'y hindi pa nalilimutan.

11Patuloy na mamanahin ng kanilang mga salinlahi ang kanilang magandang pangalan,

at ito ang kanilang magiging mahalagang kayamanan.

12Dahil sa kasunduan sa kanila ng Panginoon, nanatiling matatag ang kanilang angkan.

At alang-alang pa rin sa kanila, ay magpapatuloy hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.

13Hindi mapuputol ang kanilang lahi,

at hindi maglalaho ang kanilang katanyagan.

14Matagal nang nalibing ang kanilang mga bangkay,

subalit mananatili pa ring buháy ang kanilang alaala.

15Matatanyag sa mga bansa ang kanilang karunungan,

at patuloy silang pararangalan ng buong sambayanan.

Si Enoc

16Namuhay si Enoc ayon sa kalooban ng Panginoon, at siya'y buháy na dinala ng Diyos sa langit,[#Gen. 5:24; Heb. 11:5; Ju. 14.]

upang maging halimbawa ng pagsisisi sa susunod na mga salinlahi.

Si Noe

17Si Noe ay natagpuang matuwid at tapat,[#Gen. 6:9–9:17.]

kaya't naligtas siya sa galit ng Panginoon.

At dahil sa kanya'y may natirang tao sa lupa,

nang gunawin ang daigdig sa pamamagitan ng baha.

18Nakipagtipan sa kanya ang Panginoon,

na hindi na niya lilipulin uli ang tao sa pamamagitan ng baha.

Si Abraham

19Si Abraham naman ang naging ama ng maraming bansa,[#Gen. 15:1–17:27; 22:1-18.]

at walang maipapantay sa kanyang karangalan.

20Sinunod niya ang utos ng Kataas-taasang Diyos,

at nakipagtipan siya sa Panginoon.

Dinala niya sa katawan ang tanda ng kanilang kasunduan,

at natagpuang tapat sa oras ng pagsubok.

21Kaya't ipinangako sa kanya ng Panginoon

na pagpapalain ang mga bansa sa pamamagitan ng kanyang lahi;

ang mga salinlahi niya'y daraming parang alabok,

at magniningning na parang mga bituin.

Ibibigay niya sa kanila bilang pamana ang isang lupaing ang mga hangganan ay dagat,

at mula sa ilog hanggang sa dulo ng daigdig.

Si Isaac at si Jacob

22Gayundin ang ipinangako niya kay Isaac,[#Gen. 17:19; 26:3-5; 27:28; 28:14.]

alang-alang kay Abraham,

na pagpapalain sa pamamagitan niya ang sangkatauhan.

23Isinalin niya kay Jacob ang kanyang pakikipagkasundo,

at pinagtibay ang ipinangakong pagpapala.

Ibinigay niya rito ang lupaing kanyang ipinangako,

at pinaghati-hati sa labindalawang lipi.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society