The chat will start when you send the first message.
1Mula sa kapuluang Griego ay sumulat si Antioco na anak ni Haring Demetrio sa buong bansa at kay Simon, ang Pinakapunong Pari at gobernador ng mga Judio. Ganito ang isinasaad ng sulat:
10Nang taóng 174, nilusob nga ni Antioco ang lupain ng kanyang mga ninuno. Pumanig sa kanya ang karamihan sa mga kawal, kaya iilan ang natira kay Trifo.
11Nang habulin ni Antioco, si Trifo ay tumakas patungo sa lunsod ng Dor sa baybay-dagat,
12sapagkat nakita niya na wala na siyang pag-asang makaligtas pa dahil iniwan siya ng kanyang mga tauhan.
13Pinahanda ni Antioco ang 120,000 sanay na kawal at walong libong mangangabayo at nilusob ang Dor.
14Ang mga sasakyang-pandagat niya ay sumalakay din, at napaligiran niya nang husto ang lunsod kaya walang sinumang makapasok o makalabas doon.
15Samantala, nakarating na sa Jerusalem mula sa Roma si Numenio at ang mga kasama nito, dala ang sumusunod na liham para sa iba't ibang hari at bansa:[#1 Mcb. 12:16.]
22Ang sulat na ito ay ipinadala ni Lucio sa mga Haring sina Demetrio, Atalo, Ariarte, at Arsaces,
23at sa mga bansang Samsames, Esparta, Delos, Mindos, Sicyon, Caria, Samos, Pamfilia, Licia, Halicarnaso, Rodes, Faselis, Cos, Side, Arado, Gortina, Nido, Cyprus, at Cirene.
24Pinadalhan din niya ng isang kopya si Simon, ang Pinakapunong Pari.
25Sa pangalawang pagkakataon, nilusob ni Haring Antioco ang Dor at hindi tinigilan ang pagsalakay rito. Nagpagawa siya ng mga platapormang panlusob at dahil sa kanyang paghadlang sa daanan, hindi makapasok o makalabas ang mga tauhan ni Trifo.
26Nagpadala si Simon ng pilak, ginto, at maraming kagamitan at dalawang libong piling kawal para tulungan si Antioco.
27Subalit hindi ito tinanggap ni Antioco, bagkus pinawalang-bisa ang lahat ng naunang kasunduan nila ni Simon, kaya siya'y naging kaaway nito.
28Pagkatapos, isinugo ni Antioco ang pinagkakatiwalaan niyang pinuno na si Atenobio para makipag-usap kay Simon. Sinabi nito kay Simon, “Ang nasasakop mong Joppa, Gezer, at kuta ng Jerusalem ay mga lunsod ng aking kaharian.
29Winasak mo ang mga lupaing iyon at dinalhan ng kaguluhan ang bansa. Maraming lupain sa aking kaharian ang iyong sinakop.
30Ngayon, ibalik mo sa akin ang mga lunsod na nasakop mo, at ibigay mo rin sa akin ang buwis na kinuha mo sa mga lugar na iyong sinakop, na di kabilang sa lupain ng Judea.
31Kung ayaw mong gawin ito, bayaran mo ako ng 17,500 kilong pilak, at karagdagang 17,500 kilong pilak bilang kabayaran para sa nawala sa aking lupain at mga buwis. Kung ayaw mo pa ring gawin ito, didigmain namin kayo.”
32Nang dumating sa Jerusalem si Atenobio at makita ang magarang palasyo ni Simon, ang kasangkapang ginto at pilak sa bulwagang pinagdarausan ng mga malaking salu-salo, at ang nakahanay na malaking kayamanan, siya'y manghang-mangha. Ibinigay niya kay Simon ang sulat ng hari,
33at sumagot si Simon, “Wala kaming inaagaw na lupain mula sa ibang bansa o kinukuhang anuman sa ibang tao. Ang totoo'y amin lamang binawi ang ari-ariang minana namin sa aming mga ninuno, mga lupaing inagaw ng aming mga kaaway.
34Ngayon pa lamang namin nagagamit ang pagkakataong ito para mapanumbalik ang pamana ng aming mga magulang.
35Para sa Joppa at Gezer na inyong inaangkin, bibigyan namin kayo ng 3,500 kilong pilak, bagaman ang mga tao sa mga lunsod na iyon ang gumawa ng napakalaking kapinsalaan sa aming bansa.”
Hindi umimik si Atenobio,
36ngunit nagbalik siya sa hari na nagngingitngit. Nang sabihin niya sa hari ang tugon ni Simon at ibinalita rin dito ang magarang palasyo ni Simon at lahat ng kanyang nakita, lubos na nagalit ang hari.
37Samantala, si Trifo ay sumakay naman sa isang sasakyang-pandagat at tumakas patungong Ortosia.
38Itinalaga ni Haring Antioco si Cendebeo bilang tagapamahala ng mga lupain sa baybay-dagat, at binigyan ng mga sundalo at hukbong nakakabayo,
39saka inutusang lumusob sa Judea. Iniutos din niya rito na muling itayo ang Lunsod ng Kidron at patibayin ang mga pintuan nito, para sa pakikipaglaban sa mga Judio. Ang hari nama'y nagpatuloy ng pagtugis kay Trifo.
40Dumating sa Jamnia si Cendebeo at ginulo ang mga Judio sa pamamagitan ng paglusob sa Judea, pagbihag sa mga tao, at pagpatay sa marami.
41Muli niyang itinayo ang Kidron at naglagay roon ng mga bantay na kawal at mangangabayo, para ipagpatuloy ang pagsalakay sa Judea, gaya ng utos ng hari.