The chat will start when you send the first message.
1Tatlong araw na nanalangin si Reyna Ester. Pagkatapos, hinubad niya ang kanyang kasuotang ginamit sa pagdadalamhati at nagbihis muli ng kanyang magarang damit.
2Matapos na siya'y mabihisan ng marilag na kasuotan, siya'y nanalangin sa Diyos na Tagapagligtas at nakababatid ng lahat. Pagkatapos, isinama niya ang kanyang dalawang lingkod na babae.
3Lumakad siyang akay ng isang lingkod,
4habang ang isa nama'y sumusunod na hawak-hawak ang laylayan ng kanyang napakahabang damit.
5Si Ester ay talagang napakaganda, marikit at kahali-halina. Subalit sa kabila ng ganitong panlabas na anyo, ang kalooban ni Ester ay binabagabag ng matinding takot at pangamba.
6Nakalampas siya sa lahat ng pintuan ng palasyo, at sumapit sa harap ng hari. Nakaupo ito sa kanyang maharlikang luklukan at ang kanyang kasuotan ay kumikinang sa ginto at mamahaling hiyas. Kahanga-hanga ang buo niyang anyo.
7Ngunit nang makita niya si Reyna Ester, ang maaliwalas niyang mukha ay biglang nagdilim sa galit. Nalito ang reyna, namutla, at hinimatay. Napasandal siya sa balikat ng kanyang lingkod.
8Subalit ang pagkagalit ng hari ay pinalitan ng Diyos ng pagkahabag at pag-aalala. Dali-dali siyang tumindig sa pagkakaupo sa trono at binuhat ang reyna hanggang sa ito'y muling magkamalay. Pinayapa at pinalakas ng hari ang loob ng reyna.
9Sinabi ng hari, “Ano ba ang iyong kailangan, Ester? Huwag kang matakot, ako ang iyong asawa.
10Hindi ka mamamatay. Ang batas na nagbabawal lumapit sa hari ay para lamang sa mga taong-bayan.
11Lumapit ka.”
12Itinaas ng hari ang kanyang gintong setro at inilapat ito sa leeg ni Ester. Niyakap at hinagkan siya ng hari at pagkatapos ay sinabi, “Sabihin mo sa akin ang gusto mo.”
13Sumagot naman si Ester, “Sa pagtingin ko po sa inyo, mahal kong panginoon, para bang kayo'y isang anghel ng Diyos. Nagulat po ako at labis na natakot sa inyong kaningningan.
14Walang kapantay ang inyong kamahalan, mahal kong panginoon, at ang inyong mukha ay puspos ng pambihirang karilagan.”
15Subalit samantalang siya'y nagsasalita, muli siyang hinimatay.
16Alalang-alala ang hari, gayon din ang lahat niyang mga tagapaglingkod. Sinikap nilang gumawa ng paraan upang mahimasmasan si Ester.