HOSEAS 12

1Ang Efraim ay nanginginain sa hangin,

at humahabol sa hanging silangan sa buong araw;

sila'y nagpaparami ng mga kabulaanan at karahasan;

sila'y nakikipagkasundo sa Asiria,

at nagdadala ng langis sa Ehipto.

2Ang Panginoon ay may paratang laban sa Juda,

at parurusahan ang Jacob ayon sa kanyang mga lakad;

at pagbabayarin siya ayon sa kanyang mga gawa.

3Sa sinapupunan ay kanyang hinawakan sa sakong ang kanyang kapatid;[#Gen. 25:26; #Gen. 32:24-26]

at sa kanyang pagkabinata ay nakipagbuno siya sa Diyos.

4Siya'y nakipagbuno sa anghel, at nanaig;[#Gen. 28:10-22]

siya'y tumangis, at humiling ng pagpapala niya.

Nakatagpo niya siya sa Bethel,

at doo'y nakipag-usap siya sa kanya.

5Ang Panginoon , ang Diyos ng mga hukbo;

Panginoon ang kanyang pangalan!

6Kaya't magbalik-loob ka sa iyong Diyos,

mag-ingat ng kabutihang-loob at katarungan,

at hintayin mong lagi ang iyong Diyos.

7Isang mangangalakal na may timbangang madaya sa kanyang mga kamay,

maibigin siya sa pang-aapi.

8At sinabi ng Efraim, “Tunay na ako'y mayaman,

ako'y nagkamal ng kayamanan para sa aking sarili;

sa lahat ng aking pakinabang

walang natagpuang paglabag sa akin

na masasabing kasalanan.”

9Ngunit ako ang Panginoon mong Diyos[#Lev. 23:42, 43]

mula sa lupain ng Ehipto;

muli kitang patitirahin sa mga tolda,

gaya sa mga araw ng takdang kapistahan.

10Ako ay nagsalita sa mga propeta,

at ako ang nagparami ng mga pangitain;

at sa pamamagitan ng mga propeta ay nagbigay ako ng mga talinghaga.

11Sa Gilead ba'y may kasamaan?

Sila'y pawang walang kabuluhan.

Sa Gilgal ay naghahandog sila ng mga toro;

ang kanilang mga dambana ay parang mga bunton

sa mga lupang binungkal sa bukid.

12Si Jacob ay tumakas patungo sa lupain ng Aram,[#Gen. 29:1-20]

at doon ay naglingkod si Israel dahil sa isang asawa,

at dahil sa isang asawa ay nag-alaga siya ng mga tupa.

13Sa pamamagitan ng isang propeta ay iniahon ng Panginoon ang Israel mula sa Ehipto,[#Exo. 12:50, 51]

at sa pamamagitan ng isang propeta, siya'y napangalagaan.

14Ang Efraim ay nagbigay ng mapait na galit,

kaya't ibababa ng kanyang Panginoon ang mga kasamaan niya sa kanya

at pagbabayarin siya sa kanyang mga panlalait.

©Philippine Bible Society, 2001
Published by: Philippine Bible Society