HOSEAS 6

1“Halikayo at tayo'y manumbalik sa Panginoon ;

sapagkat siya ang lumapa, ngunit pagagalingin niya tayo;

sinugatan niya tayo ngunit tayo'y kanyang bebendahan.

2Pagkatapos ng dalawang araw ay muli niya tayong bubuhayin;

sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo,

upang tayo'y mabuhay sa harap niya.

3At ating kilalanin, tayo'y magpatuloy upang makilala ang Panginoon ;

ang kanyang paglabas ay kasintiyak ng bukang-liwayway;

at siya'y paparito sa atin na parang ulan,

tulad ng ulan sa tagsibol na dumidilig sa lupa.”

Ang Tugon ng Panginoon

4Anong gagawin ko sa iyo, O Efraim?

Anong gagawin ko sa iyo, O Juda?

Ang inyong katapatan ay parang ulap sa umaga,

at parang hamog na maagang umaalis.

5Kaya't sila'y aking pinutol sa pamamagitan ng mga propeta;

pinatay ko sila ng mga salita ng aking bibig;

at ang aking mga kahatulan ay lumalabas na parang liwanag.

6Sapagkat nalulugod ako sa katapatan, kaysa alay,[#Mt. 9:13; 12:7]

ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog.

7Ngunit gaya ni Adan ay sumuway sila sa tipan;

doo'y nagsigawa silang may kataksilan sa akin.

8Ang Gilead ay lunsod ng mga gumagawa ng kasamaan;

tigmak ng dugo.

9Kung paanong ang mga tulisan ay nag-aabang sa isang tao,

gayon nagsasama-sama ang mga pari;

sila'y pumapatay sa daan patungong Shekem.

Sila'y gumagawa ng kasamaan.

10Sa sambahayan ni Israel ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay;

ang pagiging bayarang babae ng Efraim ay naroroon, ang Israel ay dinudungisan ang sarili.

11Sa iyo rin, O Juda, ay may nakatakdang pag-aani,

kapag ibabalik ko na ang mga kayamanan sa aking bayan.

©Philippine Bible Society, 2001
Published by: Philippine Bible Society