The chat will start when you send the first message.
1Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok, at pagkaupo niya ay lumapit sa kanya ang mga alagad niya.
2At binuka niya ang kanyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi:
3“Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
4“Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin.[#Isa. 61:2]
5“Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa.[#Awit 37:11]
6“Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin.[#Isa. 55:1, 2]
7“Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan.
8“Mapapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.[#Awit 24:3, 4]
9“Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.
10“Mapapalad ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.[#1 Ped. 3:14]
11“Mapapalad kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin.[#1 Ped. 4:14]
12“Magalak kayo at magsaya, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo.[#2 Cro. 36:16; Gw. 7:52]
13“Kayo ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao.[#Mc. 9:50; Lu. 14:34, 35]
14“Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago.[#Jn. 8:12; 9:5]
15Hindi nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.[#Mc. 4:21; Lu. 8:16; 11:33]
16Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.[#1 Ped. 2:12]
17“Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito.
18Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay.[#Lu. 16:17]
19Kaya't sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit; ngunit ang sinumang tumupad at magturo ng mga ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
20Sapagkat sinasabi ko sa inyo, malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.
21“Narinig ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’[#Exo. 20:13; Deut. 5:17]
22Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman at ang sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Raca,’ ay mananagot sa Sanhedrin; at ang sinumang magsabi, ‘Ulol ka,’ ay magdurusa sa nag-aapoy na impiyerno.[#5:22 Sa Griyego ay isang salitang ginagamit sa panlalait.; #5:22 Sa Griyego ay .]
23Kaya't kung maghahandog ka ng iyong kaloob sa dambana, at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anumang laban sa iyo,
24iwan mo roon sa harap ng dambana ang kaloob mo, at humayo ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at saka ka magbalik at maghandog ng iyong kaloob.
25Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo, habang kasama mo pa siya sa daan; baka ibigay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa tanod, at ipasok ka sa bilangguan.
26Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.
27“Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’[#Exo. 20:14; Deut. 5:18]
28Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso.
29Kung ang kanan mong mata ang sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapatapon sa impiyerno.[#Mt. 18:9; Mc. 9:47]
30At kung ang kanan mong kamay ang sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapunta sa impiyerno.[#Mt. 18:8; Mc. 9:43]
31“Sinabi rin naman, ‘Sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae, dapat niyang bigyan ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’[#Deut. 24:1-4; Mt. 19:7; Mc. 10:4]
32Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat nakikipaghiwalay sa kanyang asawang babae maliban sa pakikiapid, ay nagtutulak sa kanya sa pakikiapid; at ang sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.[#Mt. 19:9; Mc. 10:11, 12; Lu. 16:18; 1 Cor. 7:10, 11]
33“Narinig din ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag mong sisirain ang iyong panata kundi tutuparin mo ang iyong mga ipinanata sa Panginoon.’[#Lev. 19:12; Bil. 30:2; Deut. 23:21]
34Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ipanumpa ang anuman, maging ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos;[#San. 5:12; Isa. 66:1; Mt. 23:22]
35kahit ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagkat iyon ang lunsod ng dakilang Hari.[#Isa. 66:1; Awit 48:2]
36Huwag mong ipanumpa maging ang iyong ulo, sapagkat hindi mo magagawang puti o itim ang isang buhok.
37Ngunit ang inyong pananalita ay maging oo kung oo; Hindi kung hindi; anumang higit pa rito ay buhat sa masama.
38“Narinig ninyo na sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’[#Exo. 21:24; Lev. 24:20; Deut. 19:21]
39Ngunit sinasabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong labanan ang masamang tao.’ At kung ikaw ay sampalin ng sinuman sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila.
40Kung ipagsakdal ka ng sinuman, at kunin ang iyong baro, ibigay mo rin sa kanya ang iyong balabal.
41Kung may sinumang pumilit sa iyo na lumakad ka ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.
42Bigyan mo ang humihingi sa iyo, at huwag mong pagkaitan ang ibig humiram mula sa iyo.
43“Narinig ninyo na sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.’
44Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo,
45upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
46Sapagkat kung umiibig kayo sa mga umiibig lamang sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba gayundin ang ginagawa maging ng mga maniningil ng buwis?
47At kung mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, anong ginagawa ninyo na higit kaysa iba? Hindi ba't kahit ang mga Hentil ay gayundin ang ginagawa?
48Kaya't kayo nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.[#Lev. 19:2; Deut. 18:13]