The chat will start when you send the first message.
1Nang marinig ng reyna ng Sheba ang pagiging tanyag ni Solomon, na nagbibigay karangalan sa Panginoon , pumunta siya kay Solomon upang subukin ang karunungan nito sa pamamagitan ng mahihirap na tanong.
2Dumating siya sa Jerusalem kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng ibaʼt ibang uri ng pampabango, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng gusto niyang itanong.
3Sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya at walang kahirap-hirap na ipinaliwanag niya anumang bagay.
4Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon at nang makita niya ang ganda ng palasyo na ipinatayo nito,
5hindi siya makapaniwala. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng mga utusan na may magagandang uniporme, ang mga tagasilbi ng kanyang inumin at ang mga handog na sinusunog na inialay nito sa Templo ng Panginoon .
6Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan.
7Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan at kayamanan nʼyo ay higit pa kaysa sa narinig ko.
8Napakapalad ng inyong mga tauhan! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan.
9Purihin ang Panginoon na iyong Diyos, na natutuwa sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ng Panginoon sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamuno kayo nang may katarungan at katuwiran.”
10Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming pampalasa at mga mamahaling bato at ibaʼt ibang uri ng pabango. Hindi mapapantayan ang dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.
11(May dala ring mga ginto ang mga barko ni Hiram, maraming kahoy na almug at mga mamahaling bato mula sa Ofir para kay Haring Solomon.
12Ang mga kahoy na almug ay ginamit ng hari upang gawing hagdan para sa Templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang iba ay ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Iyon ang pinakamagandang kahoy na almug na ipinadala sa Israel; wala nang makikita na kagaya nito hanggang sa ngayon.)
13Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang anumang hiningi niya, bukod pa sa mga regalo na ibinigay ni Solomon sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ang mga tauhan niya.
14Taon-taon tumatanggap si Solomon ng 23 toneladang ginto,
15bukod pa rito ang mga buwis na galing sa mga negosyante, sa lahat ng hari ng Arabia at sa mga gobernador ng Israel.
16Nagpagawa si Haring Solomon ng dalawandaang malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong kilong ginto.[#10:16 : O tatloʼt kalahating.]
17Nagpagawa rin siya ng tatlong daang maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan din ng ginto na mga tatlo at kalahating kilo. Ipinalagay niya ang lahat ng ito sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon.
18Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante at binalutan ito ng purong ginto.
19May anim na baitang ang tronong ito at pabilog ang sandalan. Sa magkabilang gilid nito na may patungan ng braso ay may estatwang leon na nakatayo.
20Mayroon ding estatwang leon sa bawat gilid ng baitang. Ang estatwang leon sa anim na baitang ay labindalawa lahat. Walang trono na katulad nito kahit saan mang kaharian.
21Ang lahat ng kopa ni Haring Solomon ay purong ginto at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay purong ginto rin. Hindi ginawa ang mga ito sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito noong panahon ni Solomon.
22Si Haring Solomon ay may mga barko rin na pangkalakal na naglalayag kasama ng mga barko ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante at malalakiʼt maliliit na uri ng unggoy at pabo real.[#10:22 : Sa Hebreo, mga barko ng Tarsis.]
23Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon.
24Ang mga tao sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon upang mapakinggan ang karunungan na ibinigay ng Diyos sa kanya.
25Taon-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo, mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, ibaʼt ibang uri ng pabango, mga kabayo at mga mola.
26Nakaipon si Solomon ng labing-apat na libong mga karwahe at labindalawang libong kabayo. Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem.
27Noong panahong siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay tulad lang ng mga pangkaraniwang bato, at ang kahoy na sedro ay parang kasindami ng mga pangkaraniwang puno ng sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[#10:27 : Sa literal, Shefela.]
28Ang mga kabayo ni Haring Solomon ay galing pa sa Ehipto at sa Que. Binili ito sa Kue ng kanyang mga tagabili sa tamang halaga.[#10:28 : O Muzur , na isang lugar na malapit sa Cilicia.; #10:28 : Maaaring ang isang pangalan nito ay Cilicia.]
29Nang panahong iyon, ang halaga ng karwahe na mula sa Ehipto ay animnaraang pirasong pilak at ang kabayo ay 150 pirasong pilak. Ipinagbili rin nila ito sa lahat ng hari ng mga Heteo at mga Arameo.[#10:29 : O Sirianita.]