1May isang propeta na ang pangalan ay Elias. Nakatira siya sa Tisbe na sakop ng Gilead. Sinabi niya kay Ahab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng buháy na Panginoon , ang Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, na wala ni hamog o ulan na darating sa loob ng ilang taon hanggaʼt hindi ko sinasabi na umulan o humamog.”
2Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Elias,
3“Umalis ka rito, tuntunin mo ang daan pasilangan at magtago ka may batis ng Kerit, sa bandang silangan ng Jordan.
4Sa batis ka iinom, at may inutusan akong mga uwak na magdadala sa iyo ng pagkain mo doon.”
5Sinunod ni Elias ang utos ng Panginoon sa kanya. Pumunta siya sa may batis ng Kerit, sa bandang silangan ng Jordan at doon nanirahan.
6Dinadalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne tuwing umaga at gabi, at sa batis siya umiinom.
7Di nagtagal, natuyo ang batis dahil hindi na umuulan.
8Kaya sinabi ng Panginoon kay Elias,
9“Pumunta ka agad sa Zarefat na sakop ng Sidon, at doon ka manirahan. May isang biyuda roon na inutusan kong magpapakain sa iyo.”
10Kaya pumunta si Elias sa Zarefat. Pagdating niya sa pintuan ng bayan, may nakita siyang biyuda na nangangahoy. Sinabi niya sa babae, “Puwede mo ba akong dalhan ng kaunting tubig na nakalagay sa banga upang makainom ako?”
11Nang paalis na ang biyuda para kumuha ng tubig, sinabi pa sa kanya ni Elias, “Pakidalhan mo na rin ako ng tinapay.”
12Sinabi ng biyuda, “Nagsasabi po ako ng totoo, sa harap ng buháy na Panginoon na inyong Diyos, na wala na akong tinapay. Ang natitira na lang ay isang dakot na harina sa banga at kaunting langis sa tapayan. Nangunguha nga po ako ng ilang pirasong kahoy dito para dalhin sa bahay at lutuin ang natitirang harina para sa akin at sa anak ko, at kapag naubos na namin ito, mamamatay na kami sa gutom.”
13Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang mag-alala. Umuwi ka at gawin ang sinabi mo. Ngunit ipagluto mo muna ako ng maliit na tinapay mula sa natirang harina, at dalhin mo agad ito sa akin. Pagkatapos, magluto ka rin para saʼyo at sa anak mo.
14Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel, ‘Hindi mauubusan ng harina ang iyong banga at hindi mauubusan ng langis ang iyong tapayan hanggang sa araw na padalhan ko ng ulan ang lupa.’ ”
15Lumakad ang biyuda at ginawa niya ang sinabi ni Elias. Kaya may pagkain sa araw-araw si Elias, at ang biyuda at ang pamilya nito.
16Hindi nauubos ang harina sa banga at hindi rin nauubos ang langis sa tapayan, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.
17Kinalaunan, nagkasakit ang anak ng biyuda. Lumala ang sakit nito hanggang sa mamatay.
18Sinabi ng biyuda kay Elias, “Ano po ang ikinagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Pumunta po ba kayo rito upang patayin ang aking anak bilang parusa sa aking mga kasalanan?”
19Sumagot si Elias, “Ibigay mo sa akin ang bata.” Kinuha ni Elias ang bata sa kanyang ina, at dinala ito sa kuwarto sa itaas, kung saan siya tumutuloy. Inihiga niya ang bata sa kanyang higaan,
20at nanalangin siya sa Panginoon , “O Panginoon , na aking Diyos, ito po ba ang igaganti ninyo sa biyudang nagpatuloy sa akin? Bakit ninyo ipinahintulot na mamatay ang anak niya?”
21Dumapa si Elias ng tatlong beses sa bata at tumawag sa Panginoon , “O Panginoon na aking Diyos, buhayin po ninyo ang batang ito!”
22Sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata.
23Pagkatapos, dinala ni Elias ang bata sa ibaba at ibinigay sa kanyang ina. Sinabi ni Elias, “Tingnan mo ang iyong anak, buhay siya!”
24Sinabi ng biyuda kay Elias, “Ngayon, napatunayan kong lingkod nga kayo ng Diyos at totoong nagsasalita ang Panginoon sa pamamagitan ninyo.”