1 Samuel 29

Bumalik si David sa Ziklag

1Tinipon ng mga Filisteo ang lahat ng sundalo nila sa Afek, at ang mga Israelita naman ay nagkampo sa may bukal ng Jezreel.

2Habang nagmamartsa papunta sa labanan ang mga pinuno ng mga Filisteo kasama ang mga sundalo nilang nakagrupo nang isang daan at isang libo, nakasunod naman kina Haring Aquis sina David at ang kanyang mga tauhan.

3Ngunit nagtanong ang mga pinuno ng mga Filisteo kay Aquis, “Ano ang ginagawa ng mga Hebreong iyan dito?”

Sumagot si Aquis, “Ang taong iyan ay si David na opisyal ni Saul, na hari ng Israel. Mahigit isang taon ko na siyang kasama, at magmula noong tumakas siya kay Saul hanggang ngayon, wala akong nakitang masama na ginawa niya.”

4Ngunit nagalit sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo. Sinabi nila, “Pabalikin mo sila sa bayang ibinigay mo sa kanila. Hindi siya dapat sumáma sa atin sa pakikipaglaban. Baka kapag nakikipaglaban na tayo, tayo ang patayin niya para mawala ang galit ng kanyang amo sa kanya.

5Hindi baʼt siya ang pinarangalan ng mga babae sa Israel habang sumasayaw sila at umaawit ng,

‘Libo-libo ang napatay ni Saul,

tig-sasampung libo naman ang kay David.’ ”

6Kaya tinawag ni Aquis si David at sinabihan, “Nagsasabi ako ng totoo sa presensya ng Panginoon na buháy na mapagkakatiwalaan ka. Kung sa akin lang, gusto kong sumáma ka sa pakikipaglaban ko dahil mula pa noong araw na sumáma ka sa akin hanggang ngayon, wala akong nakitang masama sa iyo. Ngunit walang tiwala sa iyo ang ibang pinuno.

7Kaya umuwi ka na lang at huwag kang gagawa ng kahit anong hindi nila magugustuhan. Umuwi ka nang matiwasay.”

8Tinanong siya ni David, “Ano po ba ang kasalanang nagawa ko mula nang sumáma ako sa inyo hanggang ngayon, Mahal na Hari? Bakit hindi ako puwedeng sumámang makipaglaban sa mga kaaway ninyo?”

9Sumagot si Aquis, “Alam ko na mabuti kang tao tulad ng isang anghel ng Diyos. Ngunit ayaw kang isama ng aking mga kumander sa labanan.

10Maaga kang bumangon bukas, at umuwi ka kasama ang mga tauhan mo bago pa sumikat ang araw.”

11Kaya maagang bumangon sina David at ang kanyang mga tauhan para bumalik sa lupain ng mga Filisteo, at pumunta naman ang hukbo ng mga Filisteo sa Jezreel.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.