1Kumalat sa buong Israel ang mensahe ni Samuel.
Noong mga panahong iyon, nakipagdigmaan ang Israel sa mga Filisteo. Nagkampo ang mga Israelita sa Ebenezer, at ang mga Filisteo naman ay sa Afek.
2Sinugod ng mga Filisteo ang mga Israelita at tinalo ang mga ito; nasa apat na libong Israelita ang napatay nila.
3Pagkatapos ng digmaan, bumalik ang mga natirang Israelita sa kampo nila. Tinanong sila ng mga tagapamahala ng Israel, “Bakit hinayaan ng Panginoon na matalo tayo ng mga Filisteo? Mabuti pa sigurong kunin natin ang Kahon ng Kasunduan sa Silo para samahan tayo ng Panginoon at iligtas tayo sa mga kalaban natin.”
4Kaya ipinakuha nila sa Silo ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng mga Hukbo. Ang takip ng Kahon ay may estatwa ng dalawang kerubin, at nananahan sa kalagitnaan nito ang Panginoon . Sumama sa pagdala ng Kahon ng Kasunduan ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.
5Nang madala na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon doon sa kampo, sumigaw nang malakas ang mga Israelita sa kasiyahan at yumanig ang lupa.
6Nang marinig ng mga Filisteo ang sigawan ng mga Israelita, nagtanong sila, “Bakit kaya sumisigaw ang mga Hebreo sa kanilang kampo?”
Nang malaman nila na ang Kahon ng Panginoon ay nasa kampo ng mga Israelita,
7natakot sila at sinabi, “May dumating na diyos sa kampo ng mga Israelita! Nanganganib tayo! Kahit kailan, hindi pa nangyayari ang ganito sa atin.
8Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Sila rin ang mga diyos na pumatay sa mga Ehipsiyo sa disyerto sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga salot.
9Kaya magpakatatag tayo, dahil kung hindi, magiging alipin tayo ng mga Hebreo gaya ng pang-aalipin natin sa kanila. Labanan natin sila.”
10Kaya nakipaglaban ang mga Filisteo at natalo ang mga Israelita. Napakarami ng napatay; 30,000 ang napatay na mga Israelita. Ang mga natira sa kanila ay tumakas pabalik sa kanilang tinitirhan.
11Naagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan at napatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.
12Nang araw ding iyon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na tumatakbo galing sa digmaan papunta sa Silo. Pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan ng abo ang kanyang ulo.
13-14-15Pagdating niya sa Silo, nakaupo si Eli sa upuan na nasa gilid ng daan at nagbabantay dahil nag-aalala siya para sa Kahon ng Diyos. Si Eli ay 98 taon na noon at halos hindi na nakakakita.
Ibinalita ng tao ang nangyaring digmaan sa bayan. Nang marinig ito ng mga tao, nag-iyakan sila.
Narinig ito ni Eli at nagtanong siya, “Bakit umiiyak ang mga tao?”
Dali-daling lumapit sa kanya ang tao,
16at sinabi, “Kagagaling ko lang po sa digmaan. Nakatakas po ako.”
Nagtanong si Eli, “Ano ang nangyari, anak?”
17Sumagot ang tao, “Nagsitakas po ang mga Israelita sa harap ng mga Filisteo. Napakarami pong namatay sa mga sundalo natin, kasama po ang dalawang anak nʼyo na sina Hofni at Finehas. At naagaw din po ang Kahon ng Diyos.”
18Nang mabanggit ng tao ang tungkol sa Kahon ng Diyos, natumba si Eli mula sa kinauupuan niya na nasa gilid ng pintuan ng lungsod. Nabali ang kanyang leeg at agad na namatay, dahil mataba siya at matanda na. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng apatnapung taon.
19Nang panahon ding iyon, kabuwanan ng manugang ni Eli na asawa ni Finehas. Nang mabalitaan niya na naagaw ang Kahon ng Diyos at namatay ang kanyang asawa at biyenang lalaki, sumakit ang tiyan niya at napaanak nang wala sa panahon dahil sa matinding sakit.
20Nang nag-aagaw-buhay na siya, sinabi sa kanya ng mga manghihilot, “Lakasan mo ang loob mo. Lalaki ang anak mo.” Ngunit hindi na siya sumagot.
21-22Bago siya namatay, Icabod ang ipinangalan niya sa bata, dahil sinabi niya, “Wala na ang kaluwalhatian ng Diyos sa Israel.” Sinabi niya ito dahil naagaw ang Kahon ng Diyos at namatay ang asawa niya at biyenan niyang lalaki.[#4:21‑22 : Ang ibig sabihin, wala na ang kapangyarihan o presensya (ng Diyos).]