2 Mga Cronica 3

Ang Pagpapatayo ni Solomon ng Templo

1Sinimulan na ni Solomon ang pagpapatayo ng Templo ng Panginoon sa Jerusalem doon sa Bundok ng Moria, kung saan nagpakita ang Panginoon sa ama niyang si David. Doon niya ito ipinatayo sa giikan ni Ornan na Jebuseo, ang lugar na inihanda ni David.[#3:1 : O Arauna.]

2Sinimulan niya itong ipatayo noong ikalawang araw ng ikalawang buwan, sa ikaapat na taon ng paghahari niya.

3Ito ang mga sukat na ginamit ni Solomon para sa pundasyon ng Templo ng Diyos ay may taas na siyamnapung talampakan at lapad na tatlumpung talampakan.

4Ang balkonahe sa harapan ng Templo ay tatlumpung talampakan ang lapad, gaya ng lapad ng Templo, at ang taas ay tatlumpung talampakan din.

Pinabalutan ni Solomon ang loob nito ng purong ginto.

5Pinadingdingan niya ang bulwagan ng Templo ng kahoy na sipres at pinabalutan ng purong ginto, at pinalamutian ng mga disenyo na palma at mga kadena.

6Nilagyan din niya ang Templo ng mga palamuti na mamahaling bato at ginto na galing pa sa Parvaim.

7Pinabalutan niya ng ginto ang mga biga, hamba ng pintuan, mga dingding at mga pintuan. At pinaukitan niya ng kerubin ang mga dingding.

8Ang Pinakabanal na Lugar ay may lapad na tatlumpung talampakan at may haba na tatlumpung talampakan din, na gaya ng lapad ng Templo. Ang loob nitoʼy binalutan ng mga dalawampuʼt isang tonelada ng ginto.

9Ang mga pako ay ginto na may timbang na kalahating kilo. Ang mga dingding sa itaas na bahagi ay binalutan din ng ginto.

10Nagpagawa si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin at pinabalutan ito ng ginto.

11-12-13Ang bawat kerubin ay may dalawang pakpak, at ang bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang kabuuang haba ng nakalukob na mga pakpak ng dalawang kerubin ay tatlumpung talampakan. Ang kabilang dulo ng kanilang pakpak ay nagpapang-abot, at ang kabilang pakpak nito ay nakadikit sa dingding.

14Ang kurtina na nakatakip sa Pinakabanal na Lugar ay gawa mula sa pinong lino na asul, kulay ube at pula, na may burdang kerubin.

15Gumawa rin si Solomon ng dalawang haligi sa harapan ng Templong may taas na limampuʼt dalawang talampakan bawat isa. Ang bawat haligi ay may ulo na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan.

16Ang bawat hugis-ulo ng haligi ay nilagyan ng mga kadena na may nakasabit na mga palamuting korteng pomegranata. Ang mga palamuting ito ay isang daang piraso.

17Ipinatayo niya ang mga haligi sa harapan ng Templo. Ang isaʼy sa gawing timog at ang isaʼy sa gawing hilaga. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jaquin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.