2 Mga Hari 2

Dinala si Elias Papuntang Langit

1Nang oras na kukunin na ng Panginoon si Elias upang dalhin sa langit sa pamamagitan ng isang ipuipo, naglalakad sina Elias at Eliseo galing sa Gilgal.

2Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Betel.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Sumusumpa ako sa buháy na Panginoon at saʼyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Betel.

3May grupo ng mga propeta roon sa Betel na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang iyong guro sa araw na ito?”[#2:3 : Sa Hebreo, panginoon. Ganito rin sa talata 5|2KI 2:5 at 16|2KI 2:16.]

Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, kaya huwag na kayong maingay.”

4Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Jerico.”

Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buháy na Panginoon at saʼyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Jerico.

5Muli, may grupo ng mga propeta roon sa Jerico na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang iyong guro sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, kaya huwag na kayong maingay.”

6Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Jordan.”

Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buháy na Panginoon at saʼyo, hindi kita iiwan.” Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakad.

7May limampung miyembro ng mga propeta na nakatayo sa unahan, at nakaharap sila sa lugar na hinintuan nina Elias at Eliseo sa may ilog Jordan.

8Hinubad ni Elias ang balabal niya, inirolyo ito at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at tumawid silang dalawa sa tuyong lupa.

9Pagkatawid nila, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Bago ako kunin saʼyo, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong gawin ko para saʼyo.”

Sumagot si Eliseo, “Ipamana mo sa akin ang dobleng bahagi ng iyong kapangyarihan.”

10Sinabi ni Elias, “Mahirap ang hinihiling mo. Kung makikita mo ako kapag akoʼy kinuha na saʼyo, matatanggap mo ito. Ngunit kung hindi mo ako makikita, hindi mo ito matatanggap.”

11Habang naglalakad sila at nagkukuwentuhan, biglang may dumating na karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy. Dumaan ito sa gitna nila na nagpahiwalay sa kanila, at biglang dinala si Elias papuntang langit sa pamamagitan ng isang ipuipo.

12Nakita ito ni Eliseo at sumigaw siya, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!” At hindi na niya nakita pa si Elias. Pagkatapos, pinunit niya ang kanyang damit dahil sa kalungkutan.

13Dinampot niya ang balabal ni Elias na nahulog, at bumalik siya sa dalampasigan ng Ilog Jordan at tumayo roon.

14Hinampas niya ang tubig ng balabal ni Elias at sinabi, “Nasaan na ang Panginoon , ang Diyos ni Elias?” Nang ginawa niya iyon, nahawi ang tubig at tumawid siya.

15Nang makita ito ng grupo ng mga propeta na galing sa Jerico, sinabi nila, “Ang kapangyarihan ni Elias ay sumasakanya.” Kaya sinalubong nila si Eliseo at yumukod sila.

16Sinabi nila, “May kasama kaming limampung malalakas na tao. Hayaan mong hanapin nila ang iyong guro. Baka dinala lang siya ng Espiritu ng Panginoon sa isang bundok o sa isang lambak.”

Sumagot si Eliseo, “Huwag na ninyo silang suguin.”

17Ngunit nagpumilit sila hanggang sa nahiya na lang siyang tumanggi. Kaya sinabi niya, “Sige, suguin nʼyo sila.” Kaya inutusan nila ang limampung katao at sa loob ng tatlong araw ay hinanap nila si Elias, ngunit hindi nila ito nakita.

18Pagbalik nila kay Eliseo, na nasa Jerico pa, sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyong huwag na kayong maghanap?”

Ang mga Himala na Ginawa ni Eliseo

19Ang mga tao sa lungsod ng Jerico ay nagsabi kay Eliseo, “Ginoo, nakikita naman po ninyo na maganda ang kinatatayuan ng aming lugar, ngunit hindi maganda ang tubig at walang tumutubong pananim sa lupain.”

20Sinabi ni Eliseo, “Dalhan nʼyo ako ng bagong mangkok at lagyan ito ng asin.” Kaya siyaʼy dinalhan nila nito.

21Pumunta siya sa bukal at inihagis doon ang asin at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon : Nilinis ko na ang tubig na ito. At mula ngayon, hindi na ito magiging sanhi ng kamatayan o hindi pagtubo ng mga pananim.”[#2:21 : O makukunan ang mga buntis.]

22Mula noon, naging malinis na ang tubig, ayon sa sinabi ni Eliseo na mangyayari.

Ininsulto si Eliseo

23Umalis si Eliseo sa Jerico at pumunta sa Betel. Habang naglalakad siya sa daan, may mga kabataan na nanggaling sa isang bayan at ininsulto siya. Sinabi nila, “Umalis ka rito, panot! Umalis ka rito, panot!”

24Lumingon si Eliseo, tinitigan niya ang mga ito at isinumpa sa pangalan ng Panginoon . Pagkatapos, may dalawang babaeng oso na lumabas galing sa gubat at nilapa ang apatnapuʼt dalawang kabataan.

25Mula roon, pumunta si Eliseo sa Bundok ng Carmel at pagkatapos ay bumalik siya sa Samaria.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.