The chat will start when you send the first message.
1Makalipas ang ilang panahon, namatay si Nahas na hari ng mga Amonita. At ang anak niyang si Hanun ang pumalit sa kanya bilang hari.
2Sinabi ni David, “Magiging mabuti ako kay Hanun dahil naging mabuti ang kanyang ama sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.
Ngunit pagdating ng mga opisyal ni Haring David sa lupain ng mga Amonita,
3sinabi ng mga opisyal ng mga Amonita kay Hanun na kanilang hari, “Tingin nʼyo baʼy pinaparangalan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan upang makiramay sa kalungkutan ninyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para manmanan lang ang lungsod natin at wasakin.”
4Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga tauhan ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang kanilang mga damit mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.
5Talagang hiyang-hiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni Haring David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang umuwi.
6Nang mapagtanto ng mga Amonita na ginalit nila si David, umupa sila ng dalawampung libong sundalong Arameo mula sa Bet-rehob at Zoba. Inupahan din nila ang hari ng Maaca at isang libong sundalo nito, at labindalawang libong sundalo mula sa Tob.
7Nang marinig ito ni David, ipinadala niya si Joab at ang lahat ng sundalo niya sa pakikipaglaban.
8Pumuwesto ang mga Amonita sa bungad ng kanilang lungsod, habang ang mga Arameo naman na galing sa Rehob at Zoba at ang mga sundalong galing sa Tob at Maaca ay naroon sa kapatagan.
9Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo.
10Si Abisai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Amonita.
11Sinabi ni Joab kay Abisai, “Kung makita mong hindi namin kayang talunin ang mga Arameo, tulungan nʼyo kami. Ngunit kung makita naming hindi ninyo kayang talunin ang mga Amonita, tutulungan namin kayo.
12Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Diyos. Matupad nawa ang kalooban ng Panginoon .”
13Sinalakay nina Joab at ng mga tauhan nito ang mga Arameo, at tinakasan sila ng mga ito.
14Nang makita ng mga Amonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abisai at pumasok sa lungsod nila. Pagkatapos, umuwi sina Joab sa Jerusalem mula sa pakikipaglaban sa mga Amonita.
15Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, muli silang nagtipon.
16Tinulungan sila ng ibang mga Arameo na ipinatawag ni Hadadezer mula sa kabila ng Ilog Eufrates. Pumunta sila sa Helam sa pamumuno ni Shobac na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.
17Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel, tumawid sila sa Ilog Jordan at pumunta sa Helam. Naghanda ang mga Arameo para harapin si David, at nakipaglaban sila sa kanya.
18Ngunit muling tinakasan ng mga Arameo ang mga Israelita. Napatay nina David ang 700 mangangarwahe at 40,000 mangangabayo. Napatay din nila si Shobac, ang kumander ng mga sundalo.[#10:18 : Itoʼy batay sa Hebreo. Sa ibang kopyang Griego (at sa 1 Cro. 19:18), mga sundalong naglalakad.]
19Nang makita ng mga haring kaanib ng mga Arameo, na sakop ni Hadadezer, na natalo na sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila sa mga Israelita at nagpasakop sa kanila.
Kaya mula noon natakot nang tumulong ang mga Arameo sa mga Amonita.