The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos nito, nagtanong si David sa Panginoon , “Pupunta po ba ako sa isa sa mga bayan ng Juda?”
Sumagot ang Panginoon , “Pumunta ka.”
Muling nagtanong si David, “Saan po roon?”
Sumagot ang Panginoon , “Sa Hebron.”
2Kaya pumunta roon si David kasama ang dalawa niyang asawa na sina Ahinoam na taga-Jezreel at Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel.
3Isinama rin ni David ang mga tauhan niya at mga pamilya nila, at doon sila tumira sa Hebron at sa mga lugar sa paligid nito.
4Di nagtagal, pumunta ang mga pinuno ng Juda sa Hebron, at pinahiran ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Juda.
Nang mabalitaan ni David na ang mga taga-Jabes-gilead ang naglibing kay Saul,
5nagpadala siya ng mga mensahero na nagsabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa ipinakita nʼyong kabutihan kay Saul na hari ninyo sa pamamagitan ng paglilibing sa kanya.
6Ipakita sana ng Panginoon ang pagmamahal at katapatan niya sa inyo, at ipapakita ko rin sa inyo ang kabutihan ko dahil sa ginawa ninyo.
7At ngayon, magpakatatag kayo at lakasan nʼyo ang inyong loob kahit patay na ang hari ninyong si Saul. Ako naman ay pinili ng mga taga-Juda bilang kanilang hari.”[#2:7 : Sa Hebreo, amo.]
8Ngayon, ang kumander ng mga sundalo ni Saul, na si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa Mahanaim kasama si Isboset na anak ni Saul.
9Doon, hinirang niyang hari ng buong Israel si Isboset, kasama na rito ang mga lugar ng Gilead, Ashuri, Jezreel, Efraim at Benjamin.
10Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taóng gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. Si David naman ang kinikilalang hari ng mga taga-Juda,
11at naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan. Doon siya nanirahan sa Hebron.
12Isang araw, pumunta si Abner, na anak ni Ner, sa Gibeon mula sa Mahanaim kasama ang mga tauhan ni Isboset.
13Sinalubong sila ni Joab na anak ni Zeruias, kasama ng iba pang mga tauhan ni David doon sa imbakan ng tubig sa Gibeon. Umupo ang grupo ni Abner sa kabilang panig ng Imbakan ng Tubig at ang grupo naman ni Joab ay naupo rin sa kabilang panig.
14Sinabi ni Abner kay Joab, “Paglabanin natin sa ating harapan ang ilan sa mahuhusay nating sundalo.”
Pumayag si Joab,
15at tumayo ang labindalawang tauhan ni Isboset na mula sa lahi ni Benjamin para makipaglaban sa labindalawang tauhan ni David.
16Hinawakan nila ang ulo ng isaʼt isa at nagsaksakan hanggang sa mamatay silang lahat. Kaya tinawag na Helkat Hazurim ang lugar na iyon sa Gibeon.[#2:16 : Ang ibig sabihin, ang lugar na nagkaroon ng labanan sa pamamagitan ng espada.]
17At nagkaroon ng matinding labanan sa pagitan ng dalawang grupo. At nang araw na iyon, natalo si Abner at ang mga tauhan ng Israel laban sa mga tauhan ni David.
18Kasama sa labanan ang tatlong anak ni Zeruias na sina Joab, Abisai at Asahel. Mabilis tumakbo si Asahel gaya ng usa.
19Hinabol niya si Abner nang walang lingon-lingon.
20Nang lumingon si Abner, nakita niya ito at tinanong, “Ikaw ba ʼyan, Asahel?”
“Ako nga,” sagot ni Asahel.
21Kaya sinabi ni Abner sa kanya, “Huwag mo na akong habulin, iyong isa na lang sa mga kasama ko ang habulin mo at kunin mo ang kagamitan niya.” Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya.
22Muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Tumigil ka sa paghabol sa akin! Huwag mo akong piliting patayin ka. Wala na akong mukhang maihaharap sa kapatid mong si Joab kung papatayin kita.”
23Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya, kaya tinusok niya ito ng dulo ng sibat, at tumagos ito hanggang sa likod. Bumagsak siya sa lupa at tuluyang namatay. Napahinto ang lahat ng dumadaan sa lugar na kinamatayan ni Asahel.
24Nang malaman nina Joab at Abisai ang nangyari, hinabol nila si Abner. Papalubog na ang araw nang makarating sila sa burol ng Amma malapit sa Gia, sa daang papunta sa ilang ng Gibeon.
25Nagtipon kay Abner sa itaas ng burol ang mga sundalo mula sa lahi ni Benjamin para maghanda sa pakikipaglaban.
26Sinigawan ni Abner si Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Hindi mo ba naunawaan na sama lang ng loob ang ibubunga nito? Kailan mo patitigilin ang mga tauhan mo sa paghabol sa aming mga kadugo nʼyo?”
27Sumagot si Joab, “Sumusumpa ako sa Makapangyarihan at buháy na Diyos, na kung hindi ka nagsalita ay patuloy kayong tutugisin ng mga tauhan ko hanggang umaga.”
28Kaya pinatunog ni Joab ang trumpeta, at ang lahat niyang tauhan ay tumigil sa pagtugis sa mga Israelita. At tumigil ang labanan.
29Buong gabing naglakad si Abner at ang mga tauhan niya sa Kapatagan ng Jordan. Tumawid sila sa Ilog Jordan at nagpatuloy sa paglalakad buong umaga hanggang sa makarating sila sa Mahanaim.[#2:29 : Sa Hebreo, Araba.]
30Nang huminto si Joab sa paghabol kay Abner, siya at ang mga tauhan niya ay umuwi na rin. Nang tipunin ni Joab ang mga tauhan niya, nalaman niyang bukod kay Asahel, labinsiyam ang napatay sa kanila.
31Pero 360 ang napatay nila sa mga tauhan ni Abner, at ang lahat ng iyon ay mula sa lahi ni Benjamin.
32Kinuha nina Joab ang bangkay ni Asahel at inilibing sa libingan ng kanyang ama sa Bethlehem. Pagkatapos, buong gabi silang naglakad, at kinaumagahan, nakarating sila sa Hebron.