Mga Taga-Colosas 4

1Mga amo, maging mabuti at makatarungan kayo sa inyong mga alipin. Alalahanin ninyong kayo rin ay mayroong amo sa langit.

Iba Pang Tagubilin

2Maging masigasig kayo sa patuloy ninyong pananalangin nang may pag-iingat at pasasalamat.

3Ipanalangin nʼyo rin na bigyan kami ng Diyos ng pagkakataon na maihayag ang mensahe ng hiwagang tungkol kay Kristo na dahilan ng aking pagkabilanggo.

4Ipanalangin ninyong maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat.

5Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin ninyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo.

6Kung nakikipag-usap kayo sa kanila, gumamit kayo ng mga kawili-wiling salita upang makinig sila sa inyo, at dapat alam nʼyo kung paano sumagot sa tanong ng bawat isa.

Mga Pangwakas na Pagbati

7Kung tungkol naman sa kalagayan ko rito, ang minamahal naming si Tiquico ang magbabalita sa inyo. Isa siyang tapat na manggagawa at kapwa ko lingkod ng Panginoon.

8Pinapunta ko siya diyan upang malaman nʼyo ang kalagayan namin, at upang lumakas ang inyong loob.

9Kasama niya sa pagpunta diyan si Onesimo, ang tapat at minamahal nating kapatid na kababayan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng nangyayari dito.

10Kinukumusta kayo nina Aristarco na kapwa ko bilanggo at Marcos na pinsan ni Bernabe. (Gaya ng ibinilin ko sa inyo, malugod ninyong tanggapin si Marcos pagdating niya dʼyan.)

11Kinukumusta rin kayo ni Hesus na kilala rin bilang Justo. Sila lang ang mga Hudyo na kasama ko ritong naglilingkod para sa kaharian ng Diyos, at pinapalakas nila ang loob ko.

12Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras na isa ring lingkod ni Kristo Hesus. Palagi siyang nananalangin nang taimtim na manatili kayong matatag, maging ganap, at panatag sa kalooban ng Diyos.

13Saksi ako sa mga pagsisikap ni Epafras para sa inyo at para sa mga nasa Laodicea at Hierapolis.

14Kinukumusta rin kayo ni Lucas, ang minamahal nating doktor, at ni Demas.

15Ikumusta nʼyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, ganoon din kay Nimfa at sa mga mananampalataya na nagtitipon sa bahay niya.

16Pagkabasa nʼyo ng sulat na ito, ipabasa nʼyo rin sa iglesya sa Laodicea at basahin nʼyo rin ang sulat mula sa kanila.

17Pakisabi kay Arquipo na ipagpatuloy niya ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.

18Akong si Pablo, ang mismong sumulat ng pagbating ito. Alalahanin nʼyo ako rito sa bilangguan. Sumainyo nawa ang biyaya ng Diyos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.