Mangangaral 7

Karunungan

1Ang malinis na pangalan

ay mas mabuti

kaysa sa mamahaling pabango;

at ang araw ng kamatayan

ay mas mabuti

kaysa sa araw ng kapanganakan.

2Mas mabuting pumunta sa namatayan

kaysa sa isang handaan,

dahil ang lahat ay mamamatay.

Dapat ay lagi itong isipin

ng mga buháy pa.

3Ang kalungkutan ay mas mabuti

kaysa sa kaligayahan

dahil ang kalungkutan

ay nakakatuwid ng buhay ng tao.

4Laging iniisip ng marunong

ang kamatayan;

pero ang hangal, ang laging iniisip

ay kasiyahan.

5Mas mabuting makinig

sa pagsaway ng marunong

kaysa makinig sa papuri ng hangal.

6Ang tawa ng hangal

ay parang tinik na kapag iginatong

ay nagsasaltikan ang apoy.

Ito ay walang kabuluhan.

7Ang marunong kapag nandaya

ay para na ring hangal.

Kung tumatanggap ka ng suhol,

sinisira mo ang sarili mong dangal.

8Mas mabuti ang pagtatapos

kaysa sa pagsisimula.

Ang pagiging matiisin

ay mas mabuti

kaysa sa pagiging mapagmataas.

9Huwag maging magagalitin

dahil ang pagiging magagalitin

ay ugali ng mga hangal.

10Huwag mong sabihin,

“Bakit mas mabuti pa noon

kaysa ngayon?”

Dahil ang tanong na iyan

ay walang katuturan.

11-12Ang karunungan ay mabuti

gaya ng isang pamana,

pareho itong nakakatulong

sa mga namumuhay dito sa mundo.

Nagbibigay din ito ng proteksyon

gaya ng pera.

Pero higit pa roon,

iniingatan nito ang buhay

ng nagtataglay nito.

13Pag-isipan mo ang ginawa ng Diyos:

Sino ang makapagtutuwid

ng kanyang binaluktot?

14Magalak ka kung mabuti

ang kalagayan mo.

Pero kung naghihirap ka,

isipin mo ito:

Ang Diyos ang gumawa

sa dalawang bagay na ito.

Kaya hindi natin malalaman kung ano

ang mangyayari sa hinaharap.

15Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang mga ito:

Ang matuwid ay maagang namamatay

sa kabila ng kanilang matuwid

na pamumuhay,

at ang mga masasama sa kabila

ng kanilang kasamaan

ay nabubuhay nang matagal.

16Huwag mong ituring ang iyong sarili

na sobrang matuwid at marunong,

dahil kung gagawin mo iyon,

sinisira mo lang ang iyong sarili.

17At huwag ka rin namang magpakasama

o magpakamangmang,

dahil baka mamatay ka naman

nang wala sa oras.

18Bigyang-halaga ang mga katuruang ito,

sapagkat ang sinumang may takot sa Diyos

ay susunod sa parehong katuruan.

19Higit na malaki ang magagawa

ng karunungan sa isang tao,

kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan.

20Wala ni isang tao rito sa mundo

ang laging gumagawa ng mabuti

at hindi nagkakasala.

21Huwag mong pakikinggan

ang lahat ng sinasabi ng tao

at baka mismong alipin mo

ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo.

22Dahil alam mo sa sarili mo

na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.

23Sinubukan kong intindihin ang lahat ng nangyayari rito sa mundo sa pamamagitan ng aking karunungan. Sinabi ko sa aking sarili,

“Akala koʼy maiintindihan ko,”

ngunit ito palaʼy higit sa aking pang-unawa.

24Hindi ko kayang intindihin ang mga nangyayari

dahil mahirap talagang maintindihan.

At walang sinuman

ang makakaintindi nito.

25Pero patuloy akong nag-aral at nag-usisa,

para makamit ko ang karunungan

at masagot ang aking mga katanungan,

at para malaman ko kung gaano kahangal

ang taong gumagawa ng masama

at kung gaano kasama ang isipan

ng taong gumagawa ng kahangalan.

26Napag-alaman kong ang babaeng nanunukso

ay mas mapait kaysa sa kamatayan.

Ang pag-ibig niyaʼy parang bitag,

at ang mga kamay niyang

yumayakap sa iyo ay parang kadena.

Ang taong nakalulugod sa Diyos

ay makakatakas sa kanya,

ngunit ang taong makasalanan

ay mabibitag niya.

27-28Sinasabi ko bilang isang mangangaral:

“Iniisip kong mabuti ang bawat bagay

sa paghahanap ko ng kasagutan

sa aking mga katanungan.

Pero hindi ko pa rin natagpuan

ang mga kasagutan.

Ngunit ito ang aking natuklasan,

sa isang libong lalaki isa lang ang matuwid,

pero sa isang libong babae

wala ni isang matuwid.

29Higit sa lahat, ito ang nalaman ko:

Ginawa ng Diyos ang tao na matuwid,

pero nag-iisip ang tao

ng maraming paraan para maging masama.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.