The chat will start when you send the first message.
1Sinabi sa akin ng tinig, “Anak ng tao, tumayo ka dahil may sasabihin ako sa iyo.”
2Habang kinakausap ako ng tinig, pinuspos ako ng kapangyarihan ng Espiritu at itinayo ako. Pinakinggan ko ang tinig na kumakausap sa akin.
3Sinabi niya, “Anak ng tao, isusugo kita sa mga mamamayan ng Israel, ang rebeldeng bansa. Mula pa noong panahon ng kanilang mga ninuno hanggang ngayon ay nagrerebelde sila sa akin.
4Matitigas ang ulo nila at mga lapastangan sila. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsusugo sa iyo sa mga taong ito para sabihin ang ipinasasabi ko sa kanila.
5Makinig man ang mga rebeldeng ito o hindi, malalaman naman nila na may propeta pala sa kanila.
6At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila o sa anumang sasabihin nila. Huwag kang matakot kahit na para silang mga halamang matitinik at mga alakdang nakapalibot saʼyo. Huwag mong katakutan ang kanilang salita at huwag kang kilabutan sa mababagsik nilang mukha, sapagkat silaʼy mga rebeldeng mamamayan.
7Dapat mong sabihin sa kanila ang ipinasasabi ko sa iyo, makinig man ang mga rebeldeng ito o hindi.
8“Ngunit ikaw, anak ng tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang magiging rebelde tulad nila. Ibuka mo ang bibig mo at kainin ang ibibigay ko sa iyo.”
9At nakita ko ang isang kamay na nag-aabot sa akin ng isang nakarolyong kasulatan.
10Iniladlad niya ito sa aking harapan at may mga salitang nakasulat sa harap at sa likod nito. Ang nakasulat ay malulungkot na mensahe, mga panaghoy at pagdadalamhati.