Ezekiel 20

Ang mga Rebeldeng Israelita

1Nang ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ikapitong taon ng aming pagkabihag, may ilang pinuno ng Israel na lumapit sa akin upang humingi ng payo mula sa Panginoon .

2Sinabi sa akin ng Panginoon ,

3“Anak ng tao, sabihin mo sa mga pinuno ng Israel na ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagtatanong, ‘Pumarito ba kayo upang humingi ng payo sa akin?’ Ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buhay, ay sumusumpang hindi ako magbibigay ng payo sa kanila.

4“Anak ng tao, hatulan mo sila. Ipamukha sa kanila ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginawa ng mga ninuno nila.

5Sabihin mo sa kanila na ito ang sinabi ng Makapangyarihang Panginoon : Nang piliin ko ang Israel na lahi ni Jacob at ipakilala ang sarili ko sa kanila roon sa lupain ng Ehipto, sumumpa ako sa kanila na ako ang Panginoon na magiging Diyos nila.

6Isinumpa ko sa kanila na palalayain ko sila sa Ehipto at dadalhin sa lupaing pinili ko para sa kanila – isang maganda at masaganang lupain, ang lupaing pinakamaganda sa lahat.[#20:6 : Sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot. Ganito rin sa talata 15|EZK 20:15.]

7Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, ‘Itakwil na ninyo ang inyong mga kasuklam-suklam na diyos-diyosan, huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyos-diyosan ng Ehipto, dahil ako ang Panginoon na inyong Diyos.’

8“Ngunit nagrebelde sila at hindi nakinig sa akin. Hindi nila itinakwil ang kasuklam-suklam na diyos-diyosan ng Ehipto. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa Ehipto.

9Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Ehipto.

10Kaya pinalaya ko sila sa Ehipto at dinala sa ilang.

11At dooʼy ibinigay ko sa kanila ang mga utos at mga tuntunin ko na dapat sundin ng mga tao upang mabuhay sila.

12Ipinatupad ko rin sa kanila ang Araw ng Pamamahinga bilang tanda ng aming kasunduan. Magpapaalala ito sa kanila na ako ang Panginoong pumili sa kanila na maging mga mamamayan ko.

13“Ngunit ang mga mamamayan ng Israel ay nagrebelde pa rin sa akin doon sa ilang. Hindi nila sinunod ang mga utos ko at mga tuntunin, na kung susundin ng mga tao ay mabubuhay sila. At nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Kaya sinabi kong ibubuhos ko sa kanila ang galit ko at lilipulin ko sila sa ilang.

14Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Ehipto.

15Ngunit isinumpa ko sa kanila roon sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibinigay ko sa kanila, ang maganda at masaganang lupain, ang lupaing pinakamaganda sa lahat.

16Dahil hindi nila sinunod ang mga utos koʼt mga tuntunin at nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Higit nilang pinahalagahan ang pagsamba sa mga diyos-diyosan nila.

17“Ngunit sa kabila ng ginawa nila, kinaawaan ko sila at hindi nilipol doon sa ilang.

18Sinabihan ko ang mga anak nila roon sa ilang, ‘Huwag ninyong tutularan ang mga tuntunin at pag-uugali ng inyong mga magulang at huwag ninyong dudungisan ang sarili ninyo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyos-diyosan.

19Ako ang Panginoon na inyong Diyos. Sundin ninyong mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin.

20Panatilihin ninyong banal ang Araw ng Pamamahinga, dahil tanda ito ng kasunduan natin at nagpapaalala sa inyong ako ang Panginoon na inyong Diyos.’

21“Ngunit nagrebelde rin sa akin ang mga anak nila. Hindi nila sinunod ang mga utos ko at tuntunin, na kapag tinupad nilaʼy mabubuhay sila. At nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa ilang.

22Ngunit hindi ko rin ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Ehipto.

23Ngunit isinumpa ko sa kanila roon sa ilang na pangangalatin ko sila sa ibaʼt ibang bansa,

24dahil hindi nila sinunod ang mga utos koʼt panuntunan at nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Higit nilang pinahalagahan ang pagsamba sa mga diyos-diyosan ng kanilang mga magulang.

25Pinabayaan ko silang sundin ang mga utos at mga tuntuning hindi mabuti at hindi makapagbibigay ng magandang buhay.

26Pinabayaan ko silang dungisan ang mga sarili nila sa pamamagitan ng paghahandog sa mga diyos-diyosan pati na ang paghahandog ng kanilang mga panganay na lalaki. Pinayagan ko ito upang mangilabot sila at malaman nilang ako ang Panginoon .

27“Kaya anak ng tao, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, na ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabi: Ang inyong mga ninuno ay patuloy na lumapastangan at nagtaksil sa akin.

28Sapagkat nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, nag-alay sila ng mga handog, mga mababangong samyo at mga inumin sa matataas na lugar at malalagong punongkahoy. Kaya nagalit ako sa kanila.

29Tinanong ko sila, ‘Ano iyang matataas na lugar na pinupuntahan ninyo?’ ” Ang sagot nila, “Bama.” (Hanggang ngayon, Bama ang tawag sa matataas na lugar na iyon.)[#20:29 : Ang ibig sabihin, mataas na lugar.]

Binago ang Suwail na Israel

30“Sabihin mo ngayon sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito: Dudungisan din ba ninyo ang inyong sarili gaya ng ginawa ng inyong mga ninuno at sasamba rin ba kayo sa mga kasuklam-suklam na diyos-diyosan?

31Ngayon nga ay dinudumihan ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng paghahandog sa mga diyos-diyosan pati na ang paghahandog ninyo ng inyong mga anak na lalaki bilang handog na sinusunog. Kaya mga mamamayan ng Israel, ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buhay, ay hindi magbibigay ng payo sa inyo kahit humingi kayo sa akin.

32“Hinding-hindi mangyayari ang iniisip ninyo. Hindi kayo magiging katulad ng mga bansa na ang mga mamamayan ay sumasamba sa mga diyos-diyosang gawa sa bato at kahoy.

33Ako, ang Makapangyarihang Panginoon na buhay, ay sumusumpang pamumunuan ko kayo nang may kapangyarihan at poot.

34Sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at poot, kukunin ko kayo mula sa mga bansang pinangalatan ninyo,

35at dadalhin sa ilang na lugar ng mga bansa. At doon, haharapin ko kayo at hahatulan.

36Kung hinatulan ko ang inyong mga ninuno sa ilang ng Ehipto, hahatulan ko rin kayo, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .

37Susuriin ko kayo sa pagdaan ninyo sa ilalim ng aking tungkod at patitibayin ko ang kasunduan ko sa inyo.

38Ihihiwalay ko sa inyo ang mga naghimagsik sa akin. Kahit palabasin ko sila sa bansang bumihag sa kanila, hindi pa rin sila makakapasok sa lupain ng Israel. At malalaman ninyong ako nga ang Panginoon !”

39Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon sa mga mamamayan ng Israel, “Sige, magpatuloy kayong maglingkod sa mga diyos-diyosan kung ayaw ninyong sumunod sa akin. Ngunit darating ang araw na hindi na ninyo malalapastangan ang pangalan ko sa pamamagitan ng paghahandog sa inyong mga diyos-diyosan ninyo.

40Sapagkat doon sa banal kong bundok, sa mataas na bundok ng Israel, ang buong mamamayan ng Israel ay maglilingkod sa akin, sabi ng Makapangyarihang Panginoon . Doon ko kayo tatanggapin at hihilingin na mag-alay kayo sa akin ng ibaʼt ibang handog at mabuting mga kaloob.

41Kapag nakuha ko na kayo mula sa mga bansa kung saan kayo nangalat, tatanggapin ko na kayo katulad ng pagtanggap ko sa mabangong insenso na inihahandog sa akin. Ipapakita ko sa inyo ang kabanalan ko habang nakatingin ang ibang mga bansa.

42At kapag nadala ko na kayo sa lupain ng Israel na ipinangako kong ibibigay sa inyong mga ninuno, malalaman ninyong ako ang Panginoon .

43At doon ninyo maaalala ang mga ginawa ninyong nagparumi sa inyong mga sarili at kamumuhian ninyo ang mga sarili ninyo dahil sa lahat ng ginawa ninyong kasamaan.

44O mga mamamayan ng Israel, malalaman ninyong ako ang Panginoon kapag pinakitunguhan ko kayo ng mabuti, sa kabila ng marumi at masama ninyong ginawa, sabi ng Makapangyarihang Panginoon .”

Ang Mensahe ng Diyos Laban sa Timog ng Juda

45Sinabi sa akin ng Panginoon ,

46“Anak ng tao, humarap ka sa timog at magpropesiya ka laban sa mga lugar doon na may mga kagubatan.

47Sabihin mo sa mga lugar na iyon na ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang magpapaningas at susunog sa mga kagubatan, sariwa man ito o tuyo. Walang makakapatay sa nagliliyab na apoy at susunugin nito ang lahat mula sa hilaga hanggang sa timog.

48At makikita ng lahat na ako, ang Panginoon , ang sumunog nito at hindi ito mapapatay.

49“Pagkatapos ay sinabi ko, ‘O Makapangyarihang Panginoon , sinasabi ng mga tao na nagsasalita lang daw ako ng mga talinghaga.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.