Mga Taga-Galacia 2

Tinanggap ng mga Apostol si Pablo

1Makalipas ang labing-apat na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem, kasama sina Bernabe at Tito.

2Bumalik ako dahil ipinahayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta roon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito upang masiguro kong hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon.

3Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila ipinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Hudyo.

4Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin upang sirain ang kalayaang natamo natin kay Kristo Hesus, at gawin ulit tayong alipin.

5Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita.

6Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Diyos.)

7Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Diyos sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Hentil, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Hudyo.

8Sapagkat ang Diyos na kumikilos sa gawain ni Pedro bilang apostol sa mga Hudyo ang siya ring kumikilos sa gawain ko bilang apostol sa mga Hentil.

9Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Diyos ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga Hentil, at sila naman ang mangangaral sa mga Hudyo.

10Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin.

Pinagsabihan ni Pablo si Pedro

11Noong dumating si Pedro sa Antioquia, pinagsabihan ko siya nang harapan dahil mali ang ginawa niya.

12Sapagkat bago dumating ang ilang tao mula kay Santiago, kumakain si Pedro kasama ng mga Hentil. Ngunit nang dumating ang mga iyon, nagsimula na siyang umiwas at ayaw nang kumaing kasama ng mga Hentil. Natakot siya sa maaaring sabihin ng mga Hudyong nagpupumilit na magpatuli ang mga Hentil upang maligtas.

13Pati tuloy ang ibang mga kapatid na Hudyo ay nakigaya sa pagkukunwari niya, at maging si Bernabe ay napagaya na rin.

14Nang makita kong hindi na ayon sa katotohanan ng Magandang Balita ang ginagawa nila, pinagsabihan ko si Pedro sa harap ng lahat, “Bakit mo pinipilit ang mga Hentil na mamuhay na parang mga Hudyo? Ikaw nga mismo na isang Hudyo ay namumuhay na parang Hentil.”

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

15Kaming mga ipinanganak na Hudyo ay iba sa mga Hentil na itinuturing ng mga kapwa naming Hudyo na makasalanan.

16Ngunit alam namin na ang tao ay itinuturing na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu-Kristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. Kaya nga kami ay sumampalataya rin kay Kristo Hesus upang maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan.

17Ngayon, kung lumalabas na makasalanan pa rin kami dahil nagsusumikap kaming maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya namin kay Kristo, ibig bang sabihin nito na si Kristo ang nagdala sa amin sa kasalanan? Hindi!

18Ngunit kung babalikan ko naman ang pagsunod sa Kautusang tinalikuran ko na, ako na rin ang nagpapatunay na makasalanan ako.

19Sa katunayan, sa pamamagitan mismo ng Kautusan, nalaman ko na wala nang kapangyarihan ang Kautusan sa akin. Kaya malaya na akong mamuhay para sa Diyos.

20Namatay akong kasama ni Kristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Kristo na. Ang buhay ko ngayon ay ayon na sa aking pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin.

21Hindi ko binabalewala ang biyaya ng Diyos, dahil kung maituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng Kautusan, walang saysay ang pagkamatay ni Kristo!

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.