The chat will start when you send the first message.
1Ano ba naman kayong mga taga-Galacia! Sino ang gumayuma sa inyo, at naniwala kayo sa kanila? Hindi baʼt malinaw na ipinangaral ko sa inyo ang tungkol sa pagkamatay ni Hesu-Kristo sa krus?
2Ito ngayon ang gusto kong itanong sa inyo: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, o sa pamamagitan ng pagsampalataya ninyo dahil sa Magandang Balita na narinig ninyo?
3Talagang hindi nga kayo makaintindi! Nagsimula kayo bilang mananampalataya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, bakit ngayon pinipilit ninyong magpakabanal sa pamamagitan ng sarili ninyong pagsisikap?
4Wala na bang halaga sa inyo ang naranasan ninyo? Mawawalan na lang ba ito ng kabuluhan?
5Hindi baʼt ibinigay sa inyo ng Diyos ang kanyang Espiritu, at sa pamamagitan niyaʼy gumagawa kayo ng mga himala? Tinanggap ba ninyo ito dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sumampalataya kayo sa Magandang Balita na napakinggan ninyo?
6Tingnan nʼyo ang nangyari kay Abraham. Ayon sa Kasulatan, “Sumampalataya siya sa Diyos, kaya itinuring siyang matuwid.”[#3:6 Gen. 15:16.]
7Malinaw na ang mga sumasampalataya sa Diyos ang siyang mga tunay na anak ni Abraham.
8Noon pa man, sinasabi na sa Kasulatan na ituturing na matuwid ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya nila. At ang Magandang Balitang itoʼy ipinahayag ng Diyos kay Abraham nang sabihin niya, “Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.”[#3:8 Gen. 12:3; 18:18; 22:18.]
9Sumampalataya si Abraham sa Diyos at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasampalataya sa Diyos ay pinagpapala rin tulad ni Abraham.
10Ngunit ang lahat ng umaasang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ay isinumpa na ng Diyos. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Isinusumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nasusulat sa Aklat ng Kautusan.”[#3:10 Deu. 27:26.]
11Malinaw na walang taong ituturing na matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang taong itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa pananampalataya niya ay mabubuhay.”[#3:11 Hab. 2:4.]
12Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya. Sa halip, sinasabi ng Kasulatan, “Ang sumusunod sa lahat ng sinasabi sa Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.”[#3:12 Lev. 18:5.]
13Ngunit walang makakasunod sa lahat ng sinasabi sa Kautusan kaya dapat sana tayong maparusahan lahat. Ngunit ngayon, tinubos na tayo ni Kristo sa sumpa nito. Isinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang bawat binibitay sa puno.”[#3:13 Deu. 21:23.]
14Ginawa ito ng Diyos upang ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Kristo Hesus; at upang matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.
15Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din sa mga pangako ng Diyos.
16Nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang apo. Hindi niya sinabi, “sa iyong mga apo” na nangangahulugang marami, kundi “sa iyong apo” na ang ibig sabihin ay isa lamang, at itoʼy walang iba kundi si Kristo.[#3:16 : Sa literal, binhi.]
17Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Diyos kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Diyos sa kanya 430 taon bago niya ibinigay ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan.
18Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Diyos kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Diyos ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya.
19Kung ganoon, ano ba ang silbi ng Kautusan? Ibinigay ito upang malaman ng tao na nagkakasala sila. Ngunit itoʼy hanggang sa dumating lamang ang ipinangakong apo ni Abraham. Ibinigay ng Diyos ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, at sila ang nagbigay nito sa mga tao sa tulong ng isang tagapamagitan.
20Ngunit ang pangako ay hindi tulad nito. Dahil nang ibigay ito ng Diyos kay Abraham, hindi siya gumamit ng tagapamagitan o mga anghel kundi siya mismo.
21Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Diyos? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Diyos upang ituring tayong matuwid.
22Ngunit sinasabi sa Kasulatan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Hesu-Kristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Diyos.
23Noong hindi pa dumarating itong tinatawag na pananampalataya kay Kristo, para tayong mga bilanggo. Ikinulong tayo ng Kautusan hanggang sa araw na inihayag ang kaligtasan natin sa pamamagitan ng pananampalataya.
24Ang Kautusan ay naging tagapag-alaga natin hanggang sa dumating si Kristo, upang sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya ay maituring tayong matuwid.
25At ngayong may pananampalataya na, wala na tayo sa patnubay ng Kautusan na tagapag-alaga.
26Kayong lahat ay mga anak ng Diyos dahil sa pananampalataya ninyo kay Kristo Hesus,
27dahil binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Kristo at namumuhay kayong katulad niya.[#3:27 : O bilang tanda na kayo ay nakay Kristo na.]
28Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Hudyo sa Hentil, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy nakay Kristo Hesus na.
29At dahil kayoʼy kay Kristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos sa kanya.