Genesis 31

Tumakas si Jacob kay Laban

1Narinig ni Jacob na ang mga anak na lalaki ni Laban ay nagsasabi, “Kinuha ni Jacob ang halos lahat ng ari-arian ng ating ama. Ang lahat ng kayamanan niya ay nanggaling sa ari-arian ng ating ama.”

2Napansin din ni Jacob na nag-iba na ang pakikitungo ni Laban sa kanya di tulad nang dati.

3Sinabi ng Panginoon kay Jacob, “Bumalik ka na sa lupain ng iyong mga ninuno, doon sa mga kamag-anak mo, at makakasama mo ako.”

4Kaya ipinatawag ni Jacob ang mga asawa niyang sina Raquel at Lea na naroon sa pastulan ng mga hayop niya.

5Sinabi niya sa kanila, “Napansin ko na nag-iba na ang pakikitungo ng inyong ama sa akin di tulad nang dati. Ngunit hindi ako pababayaan ng Diyos ng aking Ama.

6Alam naman ninyo na naglingkod ako sa inyong ama hanggang sa makakaya ko,

7ngunit dinaya pa niya ako. Sampung beses niyang binago ang kabayaran ko. Ngunit hindi ako pinabayaan ng Diyos na api-apihin lang niya.

8Nang sinabi nga ni Laban na ang batik-batik na mga kambing ang siyang bayad ko, panay din batik-batik ang anak ng mga kambing.

9Kinuha ng Diyos ang mga hayop ng inyong ama at ibinigay sa akin.”

10Sinabi pa ni Jacob, “Noong panahon ng pagkakastahan ng mga hayop, nanaginip ako. Nakita ko na ang mga lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik.

11Sa panaginip ko tinawag ako ng anghel ng Diyos. Sinabi niya, ‘Jacob!’ Sumagot ako sa kanya, ‘Narito po ako.’

12At sinabi niya, ‘Masdan mo at makikita mo na ang lahat ng lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik. Ginawa ko ito dahil nakita ko ang lahat ng ginagawa sa iyo ni Laban.

13Ako ang Diyos na nagpakita sa iyo roon sa Betel, sa lupain kung saan binuhusan mo ng langis ang bato na itinayo mo bilang alaala. At doon ka rin nangako sa akin. Ngayon maghanda ka at umalis sa lugar na ito, at bumalik sa lugar kung saan ka isinilang.’ ”

14Sumagot si Raquel at si Lea kay Jacob, “Wala na kaming mamanahin sa aming ama.

15Ibang tao na kami sa paningin niya. Ipinagbili na kami at naubos na niya ang perang pinagbilhan namin.

16Ang lahat ng yaman na kinuha ng Diyos sa kanya ay maituturing namin na mamanahin namin at ng aming mga anak. Kaya gawin mo ang sinabi sa iyo ng Diyos.”

17Kaya pinasakay ni Jacob ang kanyang mga anak at mga asawa sa mga kamelyo.

18Dinala rin niya ang lahat ng kanyang mga alagang hayop at ang lahat ng kanyang ari-ariang naipon niya sa Padan-aram. Pagkatapos, naglakbay na sila upang bumalik sa Canaan, sa lupain ng kanyang ama na si Isaac.

19Nagkataon naman na umalis si Laban upang gupitan ang kanyang mga tupa, at habang wala siya kinuha ni Raquel ang mga diyos-diyosang pag-aari ng kanyang ama.

20Niloko ni Jacob si Laban na Arameo dahil hindi siya nagpaalam sa pag-alis niya.

21Nang umalis si Jacob, dala niya ang lahat ng ari-arian niya. Tumawid siya sa Ilog Eufrates at pumunta sa kaburulan ng Gilead.

Hinabol ni Laban si Jacob

22Lumipas ang tatlong araw bago nalaman ni Laban na tumakas sina Jacob.

23Kayaʼt isinama ni Laban ang kanyang mga kamag-anak at hinabol si Jacob sa loob ng pitong araw. Naabutan nila sina Jacob doon sa kaburulan ng Gilead.

24Nang gabing iyon, nagpakita ang Diyos kay Laban na Arameo sa panaginip. Sinabi ng Diyos sa kanya, “Huwag mong gagawan ng masama si Jacob.”

25Nakapagtayo na noon si Jacob ng tolda niya sa kaburulan ng Gilead nang maabutan siya ni Laban. At doon din nagtayo sina Laban ng kanilang mga tolda.

26Sinabi ni Laban kay Jacob, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Bakit mo ako niloko? At dinala mo ang mga anak ko na parang mga bihag sa labanan.

27Bakit niloko mo ako at umalis nang hindi nagpapaalam sa akin? Kung nagsabi ka lang, paglalakbayin pa sana kita nang may kagalakan sa pamamagitan ng tugtugan ng tamburin at alpa.

28Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataong mahagkan ang aking mga apo at mga anak bago sila umalis. Hindi maganda itong ginawa mo.

29May kapangyarihan akong gawan ka ng masama, ngunit kagabi, binalaan ako ng Diyos ng iyong ama. Sinabi niya, ‘Mag-ingat ka, huwag kang magsasabi ng kahit ano kay Jacob, mabuti man o masama.’

30Alam kong sabik na sabik ka nang umuwi. Ngunit bakit mo ninakaw ang aking mga diyos?”

31Sumagot si Jacob sa kanya, “Hindi ako nagpaalam sa inyo dahil natatakot ako na baka pilitin nʼyong bawiin sa akin ang inyong mga anak.

32Ngunit kung tungkol sa mga nawawala ninyong diyos-diyosan, kapag nakita nʼyo ito sa kahit sino sa amin, parurusahan siya ng kamatayan. Sa harapan ng mga kamag-anak natin bilang mga saksi, tingnan nʼyo kung may pag-aari po kayo rito na nasa amin, at kung mayroon ay kunin nʼyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel pala ang kumuha ng mga diyos-diyosan ni Laban.

33Kaya hinanap ni Laban ang mga diyos-diyosan niya sa tolda ni Jacob, sa tolda ni Lea, at pati sa tolda ng dalawang aliping babae na mga asawa ni Jacob. Ngunit hindi niya nakita ang mga ito. Paglabas niya sa tolda ni Lea, pumasok siya sa tolda ni Raquel.

34Ngunit naitago na ni Raquel ang mga diyos-diyosan sa lalagyan na ginagamit na upuan sa pagsakay sa kamelyo, at inupuan niya. Hinanap ni Laban ang mga diyos-diyosan sa tolda ni Raquel ngunit hindi niya ito makita.

35Sinabi ni Raquel sa kanya, “Ama, huwag po kayong magalit kung hindi po ako makatayo dahil mayroon akong buwanang dalaw.” At patuloy na naghanap si Laban ngunit hindi niya nakita ang mga diyos-diyosan niya.

36Hindi na mapigilan ni Jacob ang kanyang galit, kaya sinabi niya kay Laban, “Ano ba ang kasalanang nagawa ko at hinabol mo pa ako na parang isang kriminal?

37Ngayong nahalungkat mo na ang lahat ng aking ari-arian, may nakita ka bang sa iyo? Kung mayroon, ilagay mo rito sa harap upang makita ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak, at bahala na silang humatol sa atin.

38“Sa loob ng dalawampung taon na akoʼy nakasama ninyo, ni minsan hindi nakunan ang inyong mga kambing at tupa. At ni isang lalaking tupa ay hindi ko pinangahasang kainin.

39Hindi ko na dinadala sa iyo ang mga hayop na pinatay ng mababangis na hayop; pinapalitan ko na lang ito agad. Pinabayaran mo rin sa akin ang mga hayop na ninakaw araw man o gabi.

40Ganito ang naging kalagayan ko: Kapag araw ay nagtitiis ako sa init, at kung gabi ay nagtitiis ako sa lamig. At palaging kulang ang tulog ko.

41Sa loob ng dalawampung taon na pagtira ko sa inyo, labing-apat na taon akong naglingkod sa iyo para sa iyong dalawang anak na babae. Naglingkod pa ako ng anim na taon upang bantayan ang iyong mga hayop. Ngunit ano ang ginawa mo? Sampung beses mong binago ang pagbabayad mo sa akin.

42Kung hindi siguro ako sinamahan ng Diyos na ginagalang ng aking ama na si Isaac, na siya ring Diyos ni Abraham, baka pinalayas mo na ako nang walang dalang anuman. Ngunit nakita ng Diyos ang paghihirap ko at pagtatrabaho, kaya binalaan ka niya kagabi.”

Ang Kasunduan nina Jacob at Laban

43Sumagot si Laban, “Ang mga babaeng iyan ay aking mga anak at ang mga anak nila ay aking mga apo. At ang mga hayop na iyan ay akin din. Lahat ng nakikita mo ay akin. Ngunit ngayon, ano pa ang magagawa ko sa mga anak at apo ko?

44Ang mabuti siguro, gumawa tayo ng kasunduan. Magtayo tayo ng batong magpapaalala sa atin at magpapatunay ng kasunduan natin.”

45Kaya kumuha si Jacob ng malaking bato at itinayo niya ito bilang alaala.

46Pagkatapos, inutusan niya ang mga kamag-anak niya na magtumpok ng mga bato. At kumain sila roon sa tinumpok na mga bato.

47Pinangalanan ni Laban ang tinumpok na mga bato na Jegar-sahaduta. Ngunit pinangalanan ito ni Jacob na Galeed.[#31:47 : Ang ibig sabihin nito sa wikang Arameo, tinumpok bilang patunay.; #31:47 : Ang ibig sabihin nito sa wikang Hebreo, tinumpok bilang patunay.]

48Sinabi ni Laban, “Ang nakatumpok na mga batong ito ang magpapatunay sa kasunduan nating dalawa.” Ito ang dahilan kung bakit pinangalanan itong tinumpok sa Galeed.

49Tinawag din iyon na Mizpa, dahil sinabi pa ni Laban, “Nawaʼy ingatan tayo ng Panginoon sa ating paghihiwalay.[#31:49 : Ang ibig sabihin, bantayang tore.]

50At kung hindi mabuti ang pakikitungo mo sa mga anak ko, o kayaʼy mag-aasawa ka pa ng iba, alalahanin mo na kahit hindi ko man ito nalalaman, ang Diyos ang magpapatunay ng kasunduan natin.”

51Muli pang sinabi ni Laban kay Jacob, “Narito ang tinumpok na mga bato at ang bato na alaalang magpapatunay ng kasunduan natin.

52Ang mga tinumpok na batong ito at ang bato na alaala ang siyang magpapatunay ng ating kasunduan na hindi ako lalampas sa tinumpok na mga batong ito upang lusubin ka, at hindi ka rin lalampas sa tinumpok na mga batong ito at sa bato na alaala upang lusubin ako.

53Nawaʼy ang Diyos ng iyong lolong si Abraham at ang Diyos ng aking amang si Nahor, na siya ring Diyos ng kanilang amang si Tera, ang siyang humatol sa ating dalawa.”

Kaya nakipagkasundo si Jacob kay Laban sa pangalan ng Diyos na iginagalang ng ama niyang si Isaac.

54Naghandog si Jacob ng hayop doon sa bundok, at tinawag niya ang mga kamag-anak niya upang kumain. Kinagabihan, doon sila natulog sa bundok.

55Kinabukasan, maaga pa ay hinagkan ni Laban at binasbasan ang mga anak at apo niya, at umalis siya pauwi.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.