The chat will start when you send the first message.
1Kaya nga mga kapatid ko sa pananampalataya, at mga kapwa ko tinawag ng Diyos na makakasama sa langit, ituon ninyo ang inyong isip kay Hesus. Siya ang apostol at punong pari ng ating pananampalataya.
2Tapat siya sa Diyos na nagsugo sa kanya, katulad ni Moises na naging tapat sa pamamahala ng pamilya ng Diyos.
3Sapagkat itinuring ng Diyos si Hesus na higit kaysa kay Moises, dahil kung ihahalintulad sa bahay, higit ang karangalan ng nagtayo kaysa sa bahay na itinayo.
4Alam natin na may gumawa ng bawat bahay. Ngunit ang Diyos ang gumawa ng lahat ng bagay.[#3:4 : O At.]
5Tapat si Moises sa pamamahala niya sa pamilya ng Diyos bilang isang lingkod. At ang mga bagay na ginawa niya ay larawan ng mga bagay na mangyayari sa hinaharap.
6Ngunit si Kristo ay tapat bilang Anak na namamahala sa pamilya ng Diyos. At tayo ang pamilya ng Diyos, kung patuloy tayong magiging tapat sa pag-asang ipinagmamalaki natin.
7Kaya tulad ng sinasabi ng Banal na Espiritu:
“Sa araw na ito,
kapag narinig ninyo ang tinig niya,
8huwag ninyong patigasin ang inyong puso,
tulad ng ginawa ng inyong mga ninuno
nang silaʼy maghimagsik laban sa akin
doon sa ilang, nang subukin nila ako.
9Dooʼy sinubok nila ang aking pasensya,
kahit na nakita nila ang ginawa ko
sa loob ng apatnapung taon.
10Kaya nagalit ako sa henerasyong ito;
at sinabi ko, ‘Palaging lumalayo ang puso nila sa akin,
at ayaw nilang sumunod sa mga itinuturo ko sa kanila.’
11Kaya sa galit koʼy sumumpa ako,
‘Hinding-hindi nila mararanasan ang kapahingahang
inilaan ko sa kanila.’ ”
12Kaya mga kapatid, mag-ingat kayo upang hindi magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa buháy na Diyos.
13Magpaalalahanan kayo araw-araw habang may panahon pa, upang walang sinuman sa inyo ang malinlang ng kasalanan na siyang nagpapatigas sa inyong puso.
14Sapagkat kasama tayo ni Kristo kung mananatiling matatag ang pananampalataya natin sa kanya hanggang sa wakas.
15Gaya nga ng nabanggit sa Kasulatan:
“Sa araw na ito, kapag narinig ninyo ang tinig niya,
huwag ninyong patigasin ang inyong puso,
tulad ng ginawa ng inyong mga ninuno
nang silaʼy maghimagsik.”
16Sino ba ang mga taong nakarinig sa tinig ng Diyos at naghimagsik pa rin sa kabila nito? Hindi baʼt ang mga inilabas ni Moises sa Ehipto?
17At kanino ba nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi baʼt sa mga nagkasala na namatay sa ilang?
18At sino ba ang isinumpa ng Diyos na hindi makakaranas ng kapahingahan? Hindi baʼt ang mga ayaw sumunod sa kanya?
19Kaya malinaw na hindi nila nakamtan ang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Diyos.