Mga Hebreo 5

1Ang bawat punong pari ay pinili upang magsilbing kinatawan ng mga tao tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos. Tungkulin niyang mag-alay ng mga kaloob at handog para sa kasalanan.

2Siya ay mahinahong nakikitungo sa mga taong walang alam at naliligaw ng landas dahil tao rin siyang may mga kahinaan.

3Ito ang dahilan kung bakit kailangan niyang maghandog para sa kanyang kasalanan at para na rin sa kasalanan ng mga tao.

4Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari, sapagkat ang Diyos mismo ang humihirang sa magiging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron.

5Ganoon din naman, hindi si Kristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Diyos. Sapagkat sinabi sa kanya ng Diyos,

“Ikaw ang aking Anak,

at ngayon, ako na ang iyong Ama.”

6At sinabi pa ng Diyos sa ibang bahagi ng Kasulatan:

“Ikaw ay pari magpakailanman,

ayon sa pagkapari ni Melquizedec.”

7Noong nabubuhay pa si Hesus sa mundong ito, umiiyak siyang nanalangin at nagmakaawa sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan, at dininig siya dahil mapagpakumbaba siyang sumusunod sa kalooban ng Diyos.

8At kahit Anak siya mismo ng Diyos, natutunan niya ang pagiging masunurin dahil sa mga hirap na dinanas niya.

9At nang siyaʼy maging ganap, siya ang pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kanya,

10at itinalaga siya ng Diyos na maging punong pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedec.

Babala sa Pagtalikod sa Diyos

11Marami pa sana kaming sasabihin tungkol sa mga bagay na ito, ngunit mahirap itong ipaliwanag sa inyo dahil ayaw ninyong umunawa.

12Dapat sanaʼy mga tagapagturo na kayo ngayon dahil matagal na kayo sa pananampalataya, ngunit hanggang ngayoʼy kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Diyos. Katulad pa rin kayo ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas dahil hindi pa ninyo kaya ang matigas na pagkain.

13Sapagkat ang taong sa gatas nabubuhay ay tulad ng sanggol na hindi alam kung paano mamuhay nang matuwid.

14Ngunit ang mga taong matigas na pagkain ang kinakain ay tulad ng taong nasa sapat na gulang, at sinanay ang isip na alamin kung ano ang mabuti at masama.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.