The chat will start when you send the first message.
1Ito ang ibig kong sabihin: Mayroon na tayo ngayong punong pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasang Diyos sa langit.
2Naglilingkod siya doon sa Toldang Sambahan, ang tunay na sambahang ginawa ng Panginoon at hindi ng mga kamay ng tao.
3Ang bawat punong pari ay itinalagang mag-alay ng mga kaloob at handog, kaya kailangan na may ihandog din ang punong pari natin.
4Kung nandito pa siya sa lupa, hindi siya maaaring maging pari dahil mayroon nang mga paring nag-aalay ng mga handog ayon sa Kautusan.
5Silaʼy naglilingkod sa larawan at anino ng Toldang Sambahan na nasa langit. Sapagkat nang itatayo na ni Moises ang Toldang Sambahan, mahigpit siyang pinagbilinan ng Diyos, “Kailangang sundin mo ang disenyong ipinakita ko sa iyo sa bundok.”[#8:5 Exo. 25:40.]
6Ngunit higit na dakila ang mga gawain ni Hesus bilang punong pari kaysa sa mga gawain ng mga pari, dahil siya ang tagapamagitan ng isang kasunduang higit na mabuti kaysa sa nauna. At nakasalalay ito sa mas mabubuting pangako ng Diyos.
7Kung walang kakulangan ang unang kasunduan, hindi na sana kailangang palitan pa ng ikalawa.
8Ngunit nakita ng Diyos ang pagkukulang ng mga taong sumusunod sa unang kasunduan, kaya sinabi niya,
“Darating ang panahon, wika ng Panginoon,
na gagawa ako ng bagong kasunduan
sa mga taga-Israel at taga-Juda.
9Ang kasunduang itoʼy hindi katulad
ng ginawa ko sa kanilang mga ninuno,
noong silaʼy inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto.
Hindi sila naging tapat sa aking kasunduan,
kayaʼt silaʼy aking tinalikuran,
wika ng Panginoon.”
10Sinabi pa ng Panginoon,
“Ito ang bagong kasunduan
na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel
pagdating ng araw na iyon:
Itatanim ko sa isipan nila ang mga kautusan ko,
at isusulat ko ang mga ito sa mga puso nila.
Ako ang magiging Diyos nila,
at sila naman ang magiging bayan ko.
11Hindi na nila kailangan pang turuan
ang mga kababayan o kapatid nila
na kilalanin ang Panginoon.
Dahil kikilalanin nila akong lahat,
mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila.
12Sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan
at kakalimutan ko na ang kanilang mga kasalanan.”
13Nang sabihin ng Diyos na may bago nang kasunduan, malinaw na pinawalang-bisa na niya ang nauna, at ang anumang wala nang bisa at luma na ay mawawala na lamang.