1“Sumigaw kayo nang malakas
na kasinlakas ng trumpeta!
Huwag ninyong pigilan!
Sabihin ninyo sa aking mga mamamayan
na lahi ni Jacob ang kanilang mga kasalanan
at mga pagsuway.
2Dumudulog sila sa akin araw-araw,
at tila gusto nilang malaman
ang aking mga pamamaraan.
Kung titingnan, para bang isa silang
bansang matuwid
at hindi sumusuway
sa mga utos ng Diyos.
Ipinapakita nila
na parang gustong-gusto
nilang lumapit sa akin
at humingi ng matuwid na hatol.
3Sinasabi pa nila sa akin,
‘Nag-ayuno kami,
ngunit hindi nʼyo man lamang pinansin.
Nagpapakahirap kami,
ngunit binalewala ninyo.’
“Ang totoo, habang nag-aayuno kayo,
ang sarili ninyong kapakanan
ang inyong iniisip.
Inaapi ninyo
ang inyong mga manggagawa.
4Nag-aayuno nga kayo,
ngunit nag-aaway-away naman kayo,
nagtatalo, at nagsusuntukan pa.
Huwag ninyong iisipin na
ang ginagawa ninyong pag-aayuno ngayon
ay makakatulong para dinggin ko
ang inyong dalangin.
5Kapag nag-aayuno kayo,
nagpepenitensya kayo.
Yumuyuko kayo
na parang mga damong kugon.
Nagsusuot kayo ng damit na panluksa
at humihiga sa abo.
Iyan ba ang tinatawag ninyong ayuno?
Akala ba ninyoʼy nakakalugod iyon
sa Panginoon ?
6Ang ayunong makapagpapalugod sa akin
ay ang ayunong may kasamang
matuwid na pag-uugali.
Tigilan ninyo ang paggawa ng kasamaan,
pairalin nʼyo na ang katarungan,
palayain ninyo ang mga inaalipin
at ang inaapi ay inyong tulungan.
7Bigyan ninyo ng pagkain ang mga nagugutom,
patirahin ninyo sa inyong tahanan
ang mga walang tahanan,
bigyan ninyo ng damit ang mga walang damit,
at tulungan ninyo ang inyong mga kaanak.
8Kapag ginawa nʼyo ito, darating sa inyo
ang kaligtasan na parang bukang-liwayway,
at pagagalingin ko kayo agad.
Ako na inyong Panginoong matuwid
ang mangunguna sa inyo
at ipagtatanggol ko kayo
sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.
9At kung dumulog kayo sa Panginoon
para humingi ng tulong,
siya ay sasagot at sasabihing:
Ako ay nandito.
“Kung titigilan na ninyo ang pang-aapi,
ang pambibintang ng kasinungalingan,
ang pagsasalita ng masama,
10at kung pinapakain ninyo
ang mga nagugutom,
at pinupunan ang pangangailangan
ng mga dukha,
ang inyong liwanag ay magniningning
sa kadiliman,
at ang inyong kadiliman ay magiging
kasing liwanag ng tanghaling-tapat.
11Palagi kayong papatnubayan ng Panginoon
kayo ay bubusugin,
kahit na mahirap ang kalagayan ninyo.
Palalakasin niya kayo,
at kayoʼy magiging
parang halamanang sagana sa tubig
at parang bukal na hindi nawawalan ng tubig.
12Muling itatayo ng inyong mga lahi
ang mga lungsod ninyong matagal nang wasak
at aayusin nila ang dating mga pundasyon.
Makikilala kayo na mga mason
ng kanilang mga nagibang pader
at mga bahay.
13“Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga.
Huwag ninyong iisipin
ang pansarili ninyong kapakanan
sa natatanging araw na iyon.
Ipagdiwang ninyo ang Araw ng Pamamahinga,
at parangalan ninyo ang araw ng Panginoon
sa pamamagitan ng pagpipigil
sa mga sarili ninyong kagustuhan at kaligayahan,
at pagtigil sa pagsasalita
nang walang kabuluhan.
14Kapag ginawa ninyo ito,
magiging maligaya kayo
sa inyong paglilingkod sa akin.
Pararangalan ko kayo
sa buong mundo.
Pasasaganain ko ang ani
ng lupaing inyong minana
sa inyong ninunong si Jacob.”
Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon .