1-2Ito ang mensaheng sinabi ng Panginoon kay Jeremias: “Ako, ang Panginoon , ang Diyos ng Israel ay nagsasabing: ‘Isulat mo sa aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo.
3Sapagkat darating ang araw,’ sabi ng Panginoon , na ibabalik kong muli ang mga mamamayan kong taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkabihag. Ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila na magiging pag-aari nila.”
4Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda.
5“Ito ang sinasabi ng Panginoon :
‘Maririnig ang hiyawan ng mga tao
hindi dahil sa tuwa
kundi sa matinding takot.
6May itatanong ako sa inyo.
Maaari bang manganak ang lalaki?
Bakit nakikita ko ang mga lalaking namumutla
at hawak-hawak ang tiyan
na parang babaeng manganganak na?
7Lubhang nakakatakot kapag dumating na
ang araw na iyon,
at wala itong katulad.
Panahon iyon ng paghihirap ng mga lahi ni Jacob,
pero maliligtas sila
sa bandang huli
sa kalagayang iyon.
8“ ‘Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo,
ay nagsasabing sa panahong iyon,
hindi na sila aalipinin
ng mga taga-ibang bansa.
Babaliin ko na ang pamatok
sa kanilang mga leeg
at tatanggalin ko na
ang kanilang mga kadena.
9Silaʼy maglilingkod sa akin,
ang Panginoon nilang Diyos,
at hihirang ako ng kanilang hari
mula sa angkan ni David.
10“ ‘Kaya huwag kang matatakot Jacob
na aking lingkod,
o manlulupaypay man,
kayong lahi ni Israel,’
sabi ng Panginoon .
‘Sapagkat tutulungan ko kayo
at aalisin mula diyan sa malayong lugar
kung saan kayo binihag.
Sa pagbabalik ninyo, mamumuhay na kayo
nang payapa,
tahimik, at walang kinatatakutan.
11Akoʼy kasama ninyo at ililigtas ko kayo,’
sabi ng Panginoon .
Lubusan kong wawasakin
ang mga bansa
kung saan ikinalat ko kayo
pero hindi ko ito gagawin sa inyo.
Ngunit hindi rin ito nangangahulugang
hindi ko kayo parurusahan.
Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”
12Sinabi pa ng Panginoon :
“Talagang malubha na ang inyong mga sugat
at hindi na ito gagaling.
13Wala nang makakatulong
o makakagamot sa inyo.
Wala nang lunas para sa inyo.
14Nakalimutan na kayo
ng mga kakampi ninyong bansa,
ang mga nagmahal sa inyo dati;
hindi na nila kayo pinapansin.
Sinalakay ko kayo gaya ng pagsalakay ng kaaway.
Matindi ang parusa ko sa inyo
dahil malaki at marami ang inyong kasalanan.
15Huwag kayong dadaing
na hindi na gumagaling
ang sugat ninyo.
Pinarusahan ko kayo dahil napakatindi
at napakarami ng inyong kasalanan.
16“Ngunit ipapahamak ko rin
ang lahat ng magpapahamak sa inyo,
at ang lahat ng inyong kaaway
ay bibihagin.
Sasalakayin din ang lahat
ng sumalakay sa inyo
at sumamsam ng mga ari-arian ninyo,
at sasamsamin din ang mga ari-arian nila.
17Ngunit gagamutin
at pagagalingin ko ang inyong mga sugat
kahit na sinasabi ng iba na kayong mga taga-Jerusalem
ay itinakwil at pinabayaan,” sabi ng Panginoon .
18Sinabi pa ng Panginoon :
“Muli kong ibabalik ang kayamanan
ng mga lungsod ng lahi ni Jacob
at kahahabagan ko sila.
Ang lungsod at ang palasyo na winasak
ay muling itatayo
sa nararapat na lugar nito.
19Pagkatapos, aawit sila ng pasasalamat
at sisigaw sa kagalakan.
Pararamihin at pararangalan ko sila.
20Magiging maunlad ang kanilang mga anak
katulad noong una.
Patatatagin ko sila sa harap ko,
at paparusahan ko ang sinumang
mang-aapi sa kanila.
21Ang mga pinuno nilaʼy
magmumula rin sa kanila.
Palalapitin ko siya sa akin,
at siya naman ay lalapit.
Sapagkat walang sinumang taong mangangahas
na lumapit sa akin
kung hindi ko siya palalapitin,”
sabi ng Panginoon .
22“Kaya magiging mamamayan ko sila
at akoʼy magiging Diyos nila.
23Makinig kayo!
Ang galit ng Panginoon
ay parang bagyo
o ipu-ipong hahampas
sa ulo ng masasamang tao.
24Hindi mawawala ang matinding
poot ng Panginoon
hanggaʼt hindi niya nagagawa
ang kanyang balak gawin.
At sa mga huling araw,
mauunawaan ninyo ito.”