The chat will start when you send the first message.
1Pagkaraan nitoʼy tumawid si Hesus sa Lawa ng Galilea (na tinatawag ding Lawa ng Tiberias).
2Sinundan siya ng napakaraming tao dahil nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling ng mga may sakit.
3Umakyat si Hesus at ang mga alagad niya sa isang bundok at naupo roon.
4Malapit na noon ang Pista ng Paglampas ng Anghel.
5Nang tumingin si Hesus, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kanya. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay na kakainin ng mga taong ito?”
6Tinanong niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.
7Sumagot si Felipe, “Kahit ang sahod sa higit kalahating taon ay ʼdi kakasya para pakainin silang lahat.”
8Sinabi naman ng isa sa mga alagad niyang si Andres na kapatid ni Pedro,
9“May isang bata rito na may limang tinapay at dalawang isda. Ngunit ano naman ang silbi nito sa ganyan karaming tao?”
10Sinabi ni Hesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Malago ang damo sa lugar na iyon at umupo naman ang mga tao. (Ang bilang ng mga lalaki lang ay mga limang libo.)
11Kinuha ni Hesus ang tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, ipinamahagi ito sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda, at nabusog ang lahat.
12Pagkakain nila, sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Tipunin nʼyo ang lahat ng natira para walang masayang.”
13Tinipon nga nila ang natira mula sa limang tinapay na ipinakain sa mga tao at nakapuno sila ng labindalawang kaing.
14Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Siguradong ito na nga ang propetang hinihintay nating darating dito sa mundo!”[#6:14 Deu. 18:16, 18.]
15Alam ni Hesus na balak ng mga taong kunin siya at sapilitang gawing hari. Kaya umalis siya roon at nagpatuloy na umakyat sa bundok na iyon nang mag-isa.
16Nang gumagabi na, bumaba sa tabi ng lawa ang mga alagad ni Hesus para doon siya hintayin.
17Ngunit nang madilim na at wala pa rin si Hesus, sumakay na sila sa isang bangka at tumawid papuntang Capernaum.
18Nagsimulang lumakas ang hangin at lumaki ang mga alon.
19Nang makasagwan na sila nang mga lima o anim na kilometro, nakita nila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanila, at natakot sila.
20Ngunit sinabi sa kanila ni Hesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot.”
21Malugod nilang pinasakay si Hesus sa bangka, at nakarating agad sila sa kanilang pupuntahan.[#6:21 : Sa ibang salin ng Bibliya, gusto sana nilang pasakayin si Hesus sa bangka.]
22Kinabukasan, naalala ng mga taong naiwan sa kabila ng lawa na iisa lang ang bangkang naroon nang nakalipas na araw at ito ang ginamit ng mga alagad ni Hesus, ngunit hindi siya kasama.
23Samantala, may ilang mga bangka galing ng Tiberias na dumaong malapit sa lugar kung saan pinadami ng Panginoon ang tinapay at nakakain ang maraming mga tao.
24Nang mapansin ng mga tao na wala na roon si Hesus at ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangkang iyon at pumunta sa Capernaum para hanapin si Hesus.
25Pagdating ng mga tao sa Capernaum, sa kabila ng lawa, nakita nila si Hesus at tinanong, “Guro, kailan pa po kayo dumating dito?”
26Sumagot si Hesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hinahanap nʼyo ako dahil kumain kayo at nabusog, hindi dahil naunawaan ninyo ang mga kamangha-manghang tanda na ginawa ko.
27Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ang Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil siya ang binigyan ng Diyos Ama ng kapangyarihang magbigay nito.”
28Kaya tinanong ng mga tao si Hesus, “Ano po ang dapat naming gawin para magawa namin ang nais ng Diyos?”
29Sumagot si Hesus, “Ito ang nais ng Diyos mula sa inyo: Manampalataya kayo sa isinugo niya.”
30Sumagot ang mga tao, “Kung gusto mong maniwala kami saʼyo, patunayan mong isinugo ka ng Diyos. Anong himala ang maipapakita mo sa amin? Makakagawa ka ba ng himalang
31katulad ng manna na kinain ng ating mga ninuno noong nasa ilang sila? Sapagkat ayon sa Kasulatan, binigyan sila ni Moises ng tinapay na mula sa langit.”[#6:31 Exo. 16:4; Neh. 9:15; Salmo 78:24.]
32Sinabi ni Hesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi si Moises ang nagbigay sa mga ninuno ninyo ng tinapay mula sa langit, kundi ang aking Ama. At ngayoʼy ibinibigay sa inyo ng aking Ama ang tunay na tinapay mula sa langit.
33Sapagkat ang tunay na tinapay na nagmula sa Diyos ay walang iba kundi ang tinapay na mula sa langit at nagbibigay-buhay sa mga tao.”
34Sinabi ng mga tao, “Bigyan nʼyo po kami ng tinapay na ʼyan sa araw-araw.”
35Sinabi ni Hesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.
36“Ngunit gaya ng sinabi ko sa inyo, ayaw ninyong manampalataya sa akin kahit nakita na ninyo ako.
37Gayunpaman, ang lahat ng taong ibinigay na sa akin ng Ama ay lalapit sa akin, at kailanmaʼy hindi ko sila itataboy.
38Sapagkat naparito ako mula sa langit upang gawin ang kalooban ng aking Ama na nagsugo sa akin, at hindi ang sarili kong kalooban.
39At ito ang kalooban ng Diyos na siyang nagsugo sa akin: na hindi mawala sa akin ang kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin, sa halip ay bubuhayin ko silang muli sa huling araw.
40Sapagkat kalooban ng aking Ama na ang lahat ng kumikilala at sumasampalataya sa akin na kanyang Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko silang muli sa huling araw.”
41Samantala, nagbulung-bulungan ang mga Hudyo dahil sinabi ni Hesus na siya ang tinapay na mula sa langit.
42Kaya sinabi nila, “Hindi baʼt si Hesus iyan na anak ni Jose? Bakit sinasabi niyang bumaba siya mula sa langit, samantalang kilala natin ang kanyang amaʼt ina?”
43Ngunit sinabi sa kanila ni Hesus, “Tama na ang pagbubulung-bulungan ninyo tungkol sa sinabi ko.
44Walang makakalapit sa akin maliban kung palalapitin sila ng Amang nagsugo sa akin. At ang mga lalapit sa akin ay bubuhayin kong muli sa huling araw.
45Ayon sa isinulat ng mga propeta, ‘Tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Kaya ang lahat ng nakikinig at natututo sa Ama ay lalapit sa akin.[#6:45 Isa. 54:13.]
46Walang sinumang nakakita sa Ama maliban sa akin na nagmula sa Diyos. Ako lang ang nakakita sa Ama.
47“Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan.
48Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay.
49Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, subalit namatay din silang lahat.
50Ngunit narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito.
51Ako ang tinapay na mula sa langit. Ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay upang magkaroon ng buhay ang mga tao ay walang iba kundi ang aking katawan.”
52Dahil sa sinabi niyang ito, nagtalo-talo ang mga tao. Sinabi nila, “Paano maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang katawan para kainin?”
53Sinabi ni Hesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang kainin ninyo ang katawan ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.
54Ang sinumang kumain ng aking katawan at uminom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.
55Sapagkat ang aking katawan ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin.
56Ang sinumang kumain ng aking katawan at uminom ng aking dugo ay mananatili sa akin, at ako naman sa kanya.
57Ang Ama na nagsugo sa akin ang pinagmumulan ng buhay, at dahil sa kanya ay nabubuhay ako. Ganoon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.
58Ako ang tunay na tinapay na mula sa langit. Hindi ito tulad ng ‘manna’ na kinain ng inyong mga ninuno, dahil namatay pa rin sila kahit kumain sila noon. Ngunit ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59Sinabi ni Hesus ang mga bagay na ito nang magturo siya sa sinagoga sa Capernaum.
60Nang marinig iyon ng mga alagad ni Hesus, marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat ang itinuturo niya. Sino ang makakatanggap nito?”
61Kahit na walang nagsabi sa kanya, alam ni Hesus na nagbubulung-bulungan ang mga alagad niya dahil sa mga itinuro niya. Kaya sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo matanggap ang mga sinabi ko?
62Paano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng Tao na pumapaitaas pabalik sa kanyang pinanggalingan?
63Ang Espiritu ang siyang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay mula sa Espiritu at nakapagbibigay-buhay.
64Ngunit may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sinabi ito ni Hesus dahil alam niya sa simula pa kung sino ang mga hindi sumasampalataya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya.
65“Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyong walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ng Ama,” dagdag pa ni Hesus.
66Mula noon, marami sa mga alagad niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya.
67Kaya tinanong ni Hesus ang labindalawa, “Kayo, gusto rin ba ninyong umalis?”
68Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Kayo lang ang may mensaheng nagbibigay ng buhay na walang hanggan.
69Sumasampalataya kami sa inyo at alam naming kayo ang Banal na sugo ng Diyos.”
70Sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi baʼt pinili ko kayong labindalawa? Ngunit ang isa sa inyo ay diyablo!”
71(Ang tinutukoy ni Hesus ay si Judas na anak ni Simon Iscariote, dahil kahit kabilang si Judas sa labindalawa, tatraydurin niya si Hesus sa bandang huli.)