Job 42

Ang Tugon ni Job sa Panginoon

1Sinabi ni Job sa Panginoon ,

2“Alam ko pong magagawa ninyo

ang lahat ng bagay,

at walang sinumang makapipigil sa inyong mga balak.

3Ako poʼy tinanong nʼyo

kung bakit ako nag-aalinlangan

sa inyong karunungan,

gayong wala naman

akong nalalaman.

Totoo pong nagsalita ako

ng mga bagay na hindi ko

naiintindihan

at mga bagay na hindi ko

lubos maunawaan.

4“Nakipag-usap po kayo sa akin

at sinabi nʼyong makinig ako sa inyo

at sagutin ko ang mga tanong ninyo.

5Noon ay naririnig ko lang po sa iba

ang tungkol sa inyo,

ngunit ngayon ay nakita ko na kayo.

6Kaya akoʼy nahihiya sa lahat

ng sinabi ko tungkol sa inyo,

ako po ngayon ay nagsisisi sa pamamagitan

ng pag-upo sa abo at alikabok.”

Ang Katapusan

7Pagkatapos sabihin ng Panginoon kay Job ang mga bagay na ito, sinabi niya kay Elifaz na taga-Teman, “Galit ako sa iyo at sa dalawa mong kaibigan, dahil hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin katulad ng ginawa ni Job na aking lingkod.

8Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong lalaking tupa at dalhin ninyo kay Job, at ialay ninyo sa akin bilang handog na sinusunog para sa inyong sarili. Si Job ay mananalangin para sa inyo at sasagutin ko ang kanyang panalangin, at hindi ko kayo parurusahan nang nararapat sa inyong kamangmangan. Hindi nga ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin katulad ng ginawa ni Job na aking lingkod.”

9Kaya ginawa nina Elifaz na taga-Teman, Bildad na taga-Shua at Zofar na taga-Naama ang iniutos ng Panginoon sa kanila. At sinagot ng Panginoon ang dalangin ni Job.

10Pagkatapos maipanalangin ni Job ang kanyang mga kaibigan, muli siyang pinaunlad ng Panginoon at dinoble pa niya ang dating kayamanan ni Job.

11Lahat ng kapatid niya at mga kaibigan noon ay nagpunta sa kanya at nagsalo-salo sila sa kanyang bahay. Inaliw nila si Job sa kahirapang pinasapit sa kanya ng Panginoon . At bawat isa sa kanilaʼy nagbigay kay Job ng pera at gintong singsing.

12Sa gayoʼy lalong pinagpala ng Panginoon ang mga huling araw ni Job ng higit pa kaysa sa dati. Binigyan siya ng Panginoon ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, isanlibong pares ng baka, at isanlibong babaeng asno.

13Binigyan din siya ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.

14Ang panganay niyang babae ay si Jemima, ang pangalawa ay si Kezia, at ang pangatlo ay si Keren Hapuc.

15Walang babaeng mas gaganda pa kaysa sa kanila sa buong lupain. Binigyan sila ni Job ng mana katulad ng kanilang mga kapatid na lalaki.[#42:15 : O sa buong mundo.]

16Pagkatapos nitoʼy nabuhay pa si Job ng 140 taon. Nakita pa niya ang kanyang mga apo hanggang sa ikaapat na salinlahi.

17Matandang-matanda na si Job nang siya ay namatay.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.