1Sumagot si Job,
2“Kung matitimbang lamang
ang dinaranas kong pagtitiis
at paghihirap,
3mas mabigat pa ito
kaysa sa buhangin
sa tabing-dagat.
Iyan ang dahilan
kung bakit nagsalita ako ng padalos-dalos.
4Sapagkat ang mga pana[#6:4 : Ang tinutukoy dito ay ang mga paghihirap.]
ng Diyos na Makapangyarihan
ay nakatusok na sa akin;
at ang lason nitoʼy kumalat
sa buo kong katawan.
Ang mga nakakatakot
na pana ng Diyos
ay nakaamba na sa akin.
5Umaatungal ba ang asnong-gubat
kung may damo itong kakainin,
o umaangal ba ang baka
kapag may makakain?
6Makakain ba ang pagkaing walang lasa
kung walang asin?
May linamnam ba sa puti lamang ng itlog?
7Ako man ay wala ring ganang
kainin iyan,
upang akong masusuka.
8“Nawaʼy makamtan ko
ang aking kahilingan.
Sanaʼy ipagkaloob ng Diyos
ang aking inaasam-asam,
9na mas mabuting durugin ako ng Diyos;
bawiin na lang ng kamay niya
ang aking buhay.
10At kapag itoʼy nangyari,
masaya pa rin ako,
dahil sa kabila ng aking paghihirap
hinding-hindi ko itinakwil
ang mga salita ng Banal na Diyos.
11“May lakas pa ba ako
para akoʼy umasa pa?
May mahihintay pa ba ako,
para akoʼy magtiis pa?
12Kasingtigas ba ako ng bato
at gawa ba sa tanso ang katawan ko?
Hindi!
13Wala na akong lakas
upang iligtas ang sarili ko.
Wala na rin akong pagkakataong
magtagumpay pa.
14“Bilang mga kaibigan
nais kong damayan ninyo ako
sa paghihirap kong ito,
kahit na sa tingin ninyoʼy
wala akong takot
sa Diyos na Makapangyarihan.
15Ngunit kayong mga itinuturing kong kapatid
ay hindi pala maaasahan;
para kayong sapa
na kung minsaʼy umaapaw
at kung minsan namaʼy tuyo.
16Itoʼy umaapaw kapag puno ng tunaw
na nyebe o yelo,
17at sa tag-init itoʼy natutuyo;
sa init ng panahon itoʼy naglalaho.
18Kapag dumaan doon
ang mga naglalakbay,
wala silang tubig na maiinom,
kaya pagdating nila sa ilang
namamatay sila.
19Ang mga mangangalakal
na nagmula sa Tema at Sheba
na naglalakbay
ay umaasang makakainom sa sapa,
20ngunit nabigo sila.
Umaasa silang may tubig doon
ngunit wala pala.
21Ang sapa na iyon ang katulad ninyo.
Wala rin kayong naitutulong sa akin.
Natakot kayo nang makita ninyo
ang nakakaawa kong kalagayan.
22Ngunit bakit? Humingi ba ako
ng regalo sa inyo?
Nakiusap ba akong tulungan nʼyo ako
mula sa inyong kayamanan,
23o iligtas ako mula sa kamay
ng aking mga kaaway,
at sagipin ako sa pagkakahawak
ng mga mararahas?
24“Turuan nʼyo ako
at kayoʼy aking pakikinggan,
ipakita sa akin
ang aking kamalian.
25Hindi baleng masakit
ang sasabihin ninyo
bastaʼt iyon ay totoo.
Ngunit ang ibinibintang ninyo sa akin
ay hindi totoo
at hindi ninyo mapatunayan.
26Gusto ninyong ituwid ang mga sinasabi ko,
dahil para sa inyo,
ang aking sinasabi
bilang desperadong tao
ay walang kabuluhan.
27Bakit, kayo baʼy matuwid?
Nagagawa nga ninyong
ipaalipin ang isang ulila,
o di kayaʼy ipagbili ang isang kaibigan!
28“Tingnan ninyo ako.
Sa tingin ba ninyoʼy
magsisinungaling ako sa inyo?
29Tigilan na ninyo ang paghatol sa akin,
dahil wala akong kasalanan.
30Akala ba ninyo
ay nagsisinungaling ako,
at hindi ko alam kung ano
ang tama at mali?”