Josue 14

Ang Pagkakahati-hati ng Lupain sa Kanluran ng Jordan

1Ito ang pagkakahati ng iba pang mga lupain ng Canaan sa mga Israelita. Hinati-hati ito nila Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng bawat lahi ng Israel.

2Ang lupaing bahagi ng siyam at kalahating lahi ay hinati-hati sa kanila sa pamamagitan ng palabunutan, sang-ayon sa utos ng Panginoon kay Moises.

3Ibinigay na rin ni Moises sa dalawaʼt kalahating lahi ang bahagi nila sa silangan ng Jordan, subalit hindi niya binigyan ng bahagi ang mga Levita

4sapagkat ang lahi ni Jose ay hinati sa dalawa; ang lahi ni Manases at ang lahi ni Efraim. Hindi binigyan ng sariling lupain ang mga Levita. Binigyan lamang sila ng mga bayan na titirhan nila at mga bukirin para sa mga hayop nila.

5Ganito ang paghahati ng mga lupain sa mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon kay Moises.

Ibinigay kay Caleb ang Hebron

6Isang araw, pumunta kay Josue sa Gilgal ang ilang mga tao mula sa lahi ni Juda. Ang isa sa kanila ay si Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo. Sinabi niya kay Josue, “Naaalala mo pa ba ang sinabi ng Panginoon kay Moises na lingkod ng Diyos tungkol sa ating dalawa nang naroon tayo sa Kades-barnea?

7Akoʼy apatnapung taóng gulang pa lang noon nang inutusan ako ni Moises na lingkod ng Panginoon mula sa Kades-barnea para mag-espiya sa lupaing iyon, at ipinagtapat ko sa kanya ang lahat ng nalaman ko.

8Ngunit tinakot ng mga kasama ko ang mga kababayan natin. Ngunit ako, matapat kong sinunod ang Panginoon kong Diyos.

9Kaya nang araw na iyon, nangako si Moises sa akin. Sinabi niya, ‘Dahil matapat ka sa pagsunod sa Panginoon kong Diyos, magiging iyo at ng lahi mo ang lupaing pinuntahan mo para mag-espiya.’

10“Apatnapuʼt limang taon na ang lumipas nang sabihin iyon ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. Naglalakbay pa noon ang mga Israelita sa ilang. Buháy pa ako hanggang ngayon at walumpuʼt limang taóng gulang na ako,

11pero ang lakas ko ay gaya pa rin noong panahon na inutusan ako ni Moises. Kayang-kaya ko pang makipaglaban gaya nang dati.

12Kaya ibigay mo na sa akin ang kabundukan na ipinangako sa akin noon ng Panginoon . Ikaw mismo ang nakarinig noon, na nakatira roon ang mga lahi ni Anak at matitibay ang mga lungsod nila na may mga pader. Ngunit sa tulong ng Panginoon , maitataboy ko sila sa lupaing iyon ayon sa pangako niya sa akin.”

13Binasbasan ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron bilang mana niya.

14Hanggang ngayon, ang Hebron ay pagmamay-ari ng mga angkan ni Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo dahil matapat na sinunod ni Caleb ang Panginoon , ang Diyos ng Israel.

15Kiriat-arba ang pangalan noon ng Hebron bilang alaala kay Arba, ang pinakatanyag sa mga lahi ni Anak.

At nahinto na ang labanan sa lupain ng mga Israelita.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.