The chat will start when you send the first message.
1Ang mga mamamayan ng Jerusalem
ay tulad ng kumupas na ginto
o ng mamahaling bato
na nagkalat sa lansangan.
2Kung katulad ng tunay na ginto
ang mga anak ng Zion noon,
ngayon namaʼy itinuturing na parang mga palayok
na gawa sa putik.
3Kahit na ang mga asong-gubat
ay nagpapasuso ang kanilang mga tuta,
ngunit ang aking mga mamamayan
ay kagaya ng malalaking ibon
na malulupit sa kanilang mga inakay.
4Dumidikit na sa ngala-ngala ng mga sanggol
ang mga dila nila dahil sa uhaw.
Humihingi ng pagkain ang mga bata
pero walang nagbibigay sa kanila.
5Ang mga taong dati ay kumakain ng masasarap,
ngayoʼy namamatay na sa gutom sa mga lansangan.
Ang mga dating lumaking mayaman,
ngayoʼy naghahalungkat
ng makakain sa mga basurahan.
6Ang parusa sa aking mga kababayan
ay higit pa sa parusa sa mga taga-Sodoma,
na biglang winasak ng Diyos
at ni walang tumulong.
7Ang mga pinuno ng Jerusalem,
nooʼy malulusog at malalakas ang katawan.
Nakakasilaw ang kanilang kaputian
gaya ng nyebe o gatas,
at mamula-mula ang kutis
tulad ng mga mamahaling bato.
8Ngunit ngayon, hindi na sila makilala
at mas maitim pa kaysa sa uling.
Mga butoʼt balat na lamang sila
at parang kahoy na natuyo.
9Di-hamak na mas mabuti pa
ang mga namatay sa digmaan
kaysa sa mga namatay sa gutom
na unti-unting namatay
dahil sa walang makain.
10At dahil sa kapahamakang ito
na nangyari sa aking mga kababayan,
ang mga mapagmahal na ina ay napilitang iluto ang sarili nilang mga anak
upang kainin dahil sa labis na gutom.
11Ibinuhos ng Panginoon ang matindi niyang poot sa Jerusalem,
sinunog niya ito pati na ang pundasyon nito.
12Hindi makapaniwala ang mga hari sa buong mundo
pati na ang kanilang mga nasasakupan,
na mapapasok ng mga kaaway
ang mga pintuan ng Jerusalem.
13Subalit nangyari ito dahil sa kasalanan
ng mga propeta at mga pari nito
na pumatay ng mga taong walang kasalanan.
14Sila ngayon ay nangangapa sa mga lansangan
na parang mga bulag.
Nadungisan at puno ng dugo ang kanilang mga damit,
kaya walang sinumang nagtangkang humipo sa kanila.
15Pinagsisigawan sila ng mga tao, “Lumayo kayo! Marumi kayo.
Huwag nʼyo kaming hipuin.”
Kaya lumayo silaʼt nagpalaboy-laboy sa ibang mga bansa
ngunit walang tumanggap sa kanila.
16Ang Panginoon ang siyang nagkalat sa kanila
at hindi na niya sila pinagmalasakitan.
Hindi na iginagalang ang mga pari
at ang mga tagapamahala.
17Lumalabo na ang aming paningin
sa paghihintay ng tulong ng mga kakampi naming bansa,
pero hindi sila tumulong sa amin.
Sa aming mga tore ay nagbantay kami
at naghintay sa pagdating ng mga bansang ito
na hindi rin makapagliligtas sa amin.
18Binabantayan ng mga kaaway
ang aming mga kilos.
Hindi na kami makalabas sa mga lansangan.
Bilang na ang mga araw namin;
malapit na ang aming katapusan.
19Ang mga kaaway na tumutugis sa amin
ay mas mabilis pa kaysa sa agila.
Tinutugis kami sa mga bundok
at inaabangan kami
sa disyerto para salakayin.
20Nahuli nila ang aming hari
na hinirang ng Panginoon ,
ang inaasahan naming magtatanggol sa amin
mula sa mga kaaway naming bansa.
21Magalak kayo ngayon, mga angkan ni Edom
na nakatira sa lupain ng Uz.
Dahil kayo man ay paiinumin din
sa kopa ng parusa ng Panginoon .
Malalasing din kayo
at malalagay sa kahihiyan.
22Mga taga-Jerusalem, matatapos na ang parusa ninyo.
Hindi magtatagal ay pauuwiin na kayo ng Panginoon
mula sa lugar na ito na pinagdalhan sa inyo nang kayoʼy bihagin.
Ngunit kayong mga taga-Edom, parurusahan kayo ng Panginoon
dahil sa inyong mga kasalanan
at ibubunyag niya ang inyong kasamaan.